Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Sunday, 19 March 2017

It Might Be You (Excerpt from Titser, May I Go Out?) ni Cindy Dela Cruz


Hay Rowena, sino ba ang niloloko mo? bulong ko sa sarili.  Tiningnan ko ang sarili ko mula ulo hanggang paa, mahaba ang suot kong kulay asul na gown na siyang binili namin sa Baclaran. Hapit ito sa balingkinitan kong pangangatawan at dahil sa haba nito ay hindi na kita ang kulay pilak kong sapatos. Istilong tube ang tawag nila sa isang gown na walang strap, kita tuloy ang mabuto kong leeg na siyang sinasabitan ng kuwintas na pinahiram sa akin ni Mama. Nagpaayos din ako kanina sa parlor at pinakulot ang tuwid kong buhok na siyang nilagyan ng munting korona sa tuktok. Hindi ko akalain na kaya ko palang mag mukhang tao. Napangiti ako, hindi na ako makapaghintay na makita ni Bryan sa suot ko. Kung makikita niya ba ako sa suot ko ngayong gabi, tuluyan na niya kayang iiwan si Angel para sa akin? Maraming memorya ang naglaro sa isipan ko, kung paano niya kinuha at hinawakan ang kamay ko, kung paano niya sinabi sa akin na mahal niya ako, kung paano siya madalas na tumatabi sa akin sa klase. Pero napalitan ng inis at lungkot ang lahat nang maalala kong nakita ko silang dalawa ni Angel naglalakad at magkahawak ang kamay. Sila pa rin pala… ang sabi niya sa akin wala na raw sila. Ang sabi niya sa akin si Angel lang daw ang mapilit, ang sabi niya sa akin, si Angel lang daw ang nagmamahal sa kanilang dalawa. Pero mukhang natanga niya ako, nakipag-break ako kay Eric dahil sa kanya. Pero iniwan niya lang ako sa ere. Oo, labing limang taong gulang pa lang ako pero marunong nang umibig ang bata kong puso.

Ngunit, isang kahibangan lang pala ang lahat...

Hindi ko na namalayang pumasok na pala si Mama sa loob ng kwarto. “Ano, handa ka na ba? Nandiyan na ang sundo natin,” aniya. 
“Okay lang ba ang hitsura ko Ma?"
“Oo, maganda," mabilis niyang sambit. "Ano tara na?” 

Sumakay kami sa van na naghihintay kanina pa sa may labas ng gate. Laman nito ang dalawa kong malapit na kaibigan - si Jena at si Louie. Si Jena ay nakasuot ng purple na gown at makapal na makapal ang kolorete sa mukha gawa ng kanyang pinsan na make-up artist, samantalang si Louie naman ay mukhang pinagdamit mo lang nang maayos pero mukhang walang pakialam at di na nag-ayos ng buhok, o kahit mag polbo man lang. “Rowena!!! Ang ganda mo!” patiling bati sa akin ni Jena. Todo kuwentuhan kami ni Jena. Excited dahil ito ang unang JS prom namin. Sa eskwelahan namin ay dalawang beses mo mararanasan ang prom, kapag 3rd year at 4th year ka na. Binura ko ang kalungkutang naramdaman ko at sinubukang kalimutan si Bryan - ang maitim at matabang si Bryan na katsupoy ang buhok. Bryan na feeling guwapo. Bryan na laging nagpapa-cute! Bryan na madalas akong asarin at minsan pa ay tinago ang sapatos na sa sobrang galit ko ay hindi ako nag-alangan na ipa-discipline. Ilang beses namin siyang pinag-awayan ng kaibigan kong si Bella na hindi ko akalaing may gusto rin sa kanya! Hindi makakapunta si Bella sa prom at hindi ako sigurado sa dahilan, ang sabi niya lang ay hindi siya pinayagan dahil sobrang layo sa eskwelahan namin sa Cavite. 

Isang oras lang naman ang biyahe patungo sa Intercontinental Hotel Manila, isang kilalang hotel sa Pilipinas. “Swerte talaga ng mga bata sa panahon ngayon Mare,” sabi ng mama ni Jena. “Akalain mong JS prom lang, sa isang sosyal na hotel pa gaganapin?"
“Oo nga eh, at kung hindi ako nagkakamali, binigyan pa daw sila ng Table Manners class!"
“Aba eh dapat lang, sa mahal ng tuition na binabayad sa eskuwelahang 'yan, dapat lang ay matuto sila ng magandang asal. Magagamit nila yun in the future lalo na 'pag naghanap sila ng mga foreigner na mapapangasawa.” Kailangan ko rin banggitin na kung gaano kami kasabik sa JS prom na ito, ay mas sabik pa ang aming mga magulang na sasama at  maghahatid pa sa mismong venue. Hindi na kami masyadong umimik ni Jena. Nagkakatinginan na lang kami at napapabungisngis. 

Sa kabila ng trapik, ay nakarating din kami sa wakas sa aming paroroonan. Naluluha pang nagpaalam ang aking Mama sa akin. “Enjoy anak!” aniya. "Dito lang kami, maghihintay! Don't forget, straight body! 'Wag kang kuba!" 

Tumungo kaming tatlo sa lugar ng pagdadausan, bumungad sa amin ang isang malawak na silid kainan, puno ng puting bilog na lamesa, tanaw rin namin ang isang stage sa may dulo ay isang espasyo na wari ko ay ang dance floor. “Sige diyan na muna kayo ha, pupuntahan ko lang sina Martin,” sabi ni Louie saka siya humiwalay sa amin ni Jena na hinanap na rin ang iba pa naming kaibigan. Marami ng tao ang naroroon, na bukod sa mga estudyante ay pati mga gurong todo ang mga ayos. Inilabas ko ang kodak camera ko na may 36 shots na fim (hindi pa uso ang digital camera) at saka nakipag-picturan na rin sa aking mga kaibigan. Hindi pa man uso ang selfie, sinisigurado kong bawat shot ay nandoon ako. 

Nagsimula na ang programa. Sumayaw ang Cotillion at pinakilala na rin ang King and Queen of the night. Masaya kaming kumain at naghalakhakan ng mga kaibigan ko. Aliw na aliw ako sa aking mga kaibigan na walang ginagawa kung hindi ay magtawanan, lalo na si Jena na maraming alam pagdating sa kalokohan. “Ano wala bang sasayaw diyan sa inyo? Tara mag disco na tayo!” yaya ni Jena. 
“Di ko feel eh, dito na lang tayo.” 
“Ang KJ naman nito ni Wena eh. Minsan lang ‘to, mahal ang binayad natin dito kaya sulitin na natin!” Wala na akong magawa dahil hinihila na niya ako sa dance floor. Tinutulak na rin ako ng iba ko pang kaibigan. Okay, fine! Let’s do this. 

Nakaka-ilang disco songs na kami, at kahit malamig ang aircon ay pinagpapawisan na ako. Puro R&B ng mga sikat na western singers. Bumuo kaming magkakaibigan ng isang bilog. Meron pang mga seniors na sumali sa amin. Matapos ang halos limang kanta ay biglang bumagal ang kanta. “Ano ba ‘yan, tara balik na tayo!” inis na sambit ni Jena na siyang sinagayunan ko dahil malamang ay magsisilabasan na ang mga magjo-jowa. Hindi pa malayo ang nalalakad ko ay nagka-eye to eye kami ni Bryan na nakita kong papalapit sa akin.
“Tara sayaw tayo,” yaya niya. Hihindi sana ako pero ang bilis maglakad palayo ni Jena, hindi ko na siya mahabol. Nanlamig ang kanina ko pang namamawis na katawan, tae na, hindi ako maka-hindi. 
“S-sige,” maikli kong sagot. 

Time, I’ve been passing time watching trains go bye, all of my life...

Tama ba na ganito pa ang kanta? Ano ba, Wena? Mahuhulog ka na naman sa patibong nitong si Bryan.

Wondering how they met and what makes it last...

Di ko akalain na ang lapit lapit na pala ng mga mukha namin sa isa’t isa. Inilayo ko ito nang konti at tumingin sa malayo. Hindi ko kayang makipagtitigan lang sa kanya. “Uhm, Wena pasensya na nga pala ha."
“Pasensya para saan?" 
“Ilang araw tayong hindi nagpansinan."
“Ngeh, ayos lang ‘yun. Walang problema sa akin,” pagsisinungaling ko. Bakit ba hindi ko banggitin ang nakita ng dalawang mata ko? Bakit hindi ko sabihin sa kanya na tigilan na niya ang pakikipaglaro sa puso ko?
“Si Angel kasi eh…"
“Wag mo nang alalahanin ‘yon. Friends naman tayo…” napalunok ako sa sinabi kong ‘yon. 
“Oo friends pa rin tayo,” pagsangayon niya ng gago. 
“Umayos ka na kasi, ang bait-bait sayo ni Angel pero ganyan ka sa kanya. Hindi niya deserve na lokohin mo."
“At lalong hindi mo rin deserve ang mga ginagawa ko sa'yo." Masyado ka kasing pa-fall, Bryan! Kasalanan mo kung bakit ako nakipag-break sa dati kong boyfriend! Akala ko may patutunguhan tayo. Akala ko merong tayo! Wala pala..
“Huwag mo na akong isipin dahil kailanman ay hindi magiging tayo. Maging loyal ka na lang kay Angel, puwede?" saad ko sa kanya. 
Napabuntong hininga siya, “Sayang..."

Hindi na ako nagsalita pa hanggang sa matapos ang kanta. Para sa isipan ko ay tama lang na hindi ko na siya ibigin pa. Ilang buwan na kaming ganito, ilang buwan nang malabo. Kung sa umpisa pa lang ay pinaglaruan na niya ang puso ko, siguradong hinding-hindi niya ako seseryosohin. 

Sa wakas ay natapos rin ang kanta, at nakangiti akong nagpaalam sa kanya. Kahit papaano ay lumuwag ang damdamin ko. Magmula ngayon Bryan ay hindi na kita iisipin, sabi ko sa sarili.

Tumalikod ako nang buo ang loob. Nakahinga na rin nang maluwag.

Ngunit ilang metro na lang ang layo ko sa upuan ko ay hinarang naman ako ni Martin, na siyang matagal-tagal ko na ring kaibigan, nasa gradeschool pa lang ata kami. “Hi Wena, gusto mo bang sumayaw?” nakangiti niyang tanong. Kulay ginto ang suot niyang Americana at naka-suklay at gel ang kanyang buhok. Matangkad at payat si Martin, mestiso ang balat, mapupungay ang mga mata. Kungyari ay nag-isip ako.
"Makakahindi ba ako sa poging katulad mo?" Pumayag akong mai-sayaw niya ng slow music at kung hindi ako nagkakamali ay naka-apat na kanta kami. Nakakaaliw kasama at kausap si Martin kaya naman napalitan ng magagandang alaala ang gabing iyon. 


Tumigil ang kanta at isang nakakarinding piyok ng microphone ang aming narinig. Isa sa mga advisors ay mukhang may ia-announce. Tumikhim muna ito bago nagsalita, “Calling Ms. Jena Mingollo, Mr. Louie Cescon and Ms. Rowena Chan, your parents are looking for you outside." 

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Adventure Time - Lady Rainicorn