WAITING SHED (Dagli)

05:57


Halu halong emosyon ang bumalot sa akin nang makita ko ang kinse años na si Ronald na nakaupo sa waiting shed. May dala itong isang bungkos ng mumurahing bulaklak at isang Blue Magic na paper bag, mukhang may hinihintay. Nag-alangan ako kung lalapit ba para kausapin siya. Sa totoo lang ay sobrang miss ko na siya. Kay tagal kong naglakbay makita lang siyang muli. Umupo ako sa tabi niya, alam ko naman na hindi niya ako makikilala. Tinanong ko siya kung anong oras na kahit isa akong eksperto nito. Sumagot siya, at halos matunaw ako sa kinauupuan ko nang marinig kong muli ang boses niya, ginigising nito ang mga alaala na hindi pa niya nararanasan. Nakipagkuwentuhan ako sa kanya, mga simpleng tanong at simpleng sagot.


“May kamukha ka,” aniya. Hindi ako agad nakapagsalita. Paano ko ba sasabihin na ako rin si Andrea, pero mula sa hinaharap?

“T-talaga? Sino?” kunyaring tanong ko.

Tumingin siya sa mga bulaklak na dala niya, nakangiting nagsalita, “Kamukha mo ang pinaka-importanteng babae sa buhay ko. Darating siya mamaya, male-late lang ng sampung minuto. Hayaan mo, ipapakilala kita."

“Hindi na siguro, kailangan ko na rin umalis.” Napatingin ako sa compass kong nagiging orasan, saka ko nakita ko ang pagtataka sa mukha niya. “‘Wag kang mag-alala, hindi ito ang una’t huli nating pagkikita.”

You Might Also Like

0 comments

Like us on Facebook

Follow me on Instagram

Subscribe