Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Friday, 1 July 2016

The Aswang Virus - A Philippine Apocalyptic Story (Three: Ang Kambal)

Xylene P   

Xylene P.O.V.
Takbo! Takbo! Takbo!
Dios mio! Nasaan ka ba Var? Kung kailan kailangan kita, saka ka naman wala sa bahay. Malamang sa alamang ay nasa computer shop ka na naman, dahil ni anino mo ay hindi ko man lang nakita sa klase kanina. Sakit sa ulo ka talaga! Limang minuto ang tanda mo sa akin, kaya kung tutuusin ay kuya pa rin kita - ikaw dapat ang nag-aalaga sa akin! Diyos ko, kung titigil ako sa pagtakbo ay baka maging aswang na rin ako.
Umuwi ako ng bahay kanina, pero ano ang naabutan ko? Pagkaharap sa akin nina Mama at Papa ay agad nila akong sinugod. Nakakatakot ang hitsura nila at hindi na nila ako nakikilala. Nagkaroon ng habulan sa bahay, para silang mga zombies, pero mabibilis kung kumilos. Gusto nila akong lapain gamit ang mga pangil na hindi ko alam kung saan nanggaling. Nakuha ko silang hampasin ng kawali pero mukhang hindi sila nakakaramdam ng sakit. Wala akong choice kung 'di ang i-lock sila sa loob ng bahay. Mabuti na lamang at dala dala ko ang susi, at nang magkaroon ng pagkakataon ay nakalabas ako ng pintuan, agad kong ni-lock ang buong kabahayan. Hindi na ako lumingon pa, agad agad akong tumakbo, ang tanging dala ko lang ay ang sarili ko. May nakita pa akong ibang aswang habang tumatakbo ako kanina pero nagawa kong tumakbo nang hindi nila nakikita. Sa unang pagkakataon ay naipagpasalamat ko na miyembro ako ng track and field varsity team ng unibersidad namin. Kung wala akong kakayahang tumakbo nang ganito katulin ay malamang pinagpipiyestahan na ng aking mga magulang ang mga lamang loob ko. 
Hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari! Dati rati'y pinapanood ko lang ito sa TV, pero hindi ko akalain na mangyayari rin pala ito sa tunay na buhay, akala ko hanggang palabas lang ang mga aswang o mga zombies o anuman ang tawag sa kanila. Nang makita ko ang mga magulang ko kanina ay tirik ang kanilang mga mata, at parang sinasapian ng masamang espiritu. 
Sana buhay ka pa, Var. Ikaw na lang ang natitira kong pamilya sa mundong ibabaw. Lumiko ako sa sumunod na kalye at natanaw ko rin sa wakas ang Nena's Computer Shop. Sigurado akong nandito lang siya. "Var! Var! Nandiyan ka ba?" sigaw ko habang nagpalinga linga sa loob ng madilim na computer shop. Malamig ang kulob na kwarto at nakakasulasok ang amoy ng sigarilyo. "Var, taena, lumabas ka!"
Nanlamig ang kalamnan ko nang makita ko ang isang nilalang na hindi ko inaasahan na makita pa - si Leaf, ang ex kong nakipag-break sa akin ilang buwan na ang nakakalipas at ang taong dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako maka-move on. Taena!

Var P.O.V.
Pawis na pawis at humihingal si Xylene na pumasok sa computer shop. Patay, siguradong magsusumbong na naman ito kina Papa. Sumbungera pa naman ang kakambal kong ito. "Eto na po, uuwi na ako," sabi ko sabay kuha ng backpack. Naka-uniporme akong umalis ng bahay pero sa computer shop ako dumiretso.
"Bakit hindi ka pumasok, huh? Bakit wala ka sa klase kanina? Akala ko ba susunod ka?" aniya habang nilo-lock ang pintuan ng computer shop. Dahil araw ng Lunes ngayon ay walang masyadong tao dito, tanging ako, si Leaf at ang nagbabantay ng shop ang nandito ngayon. "Anyway, hindi 'yan ang ipinunta ko dito." Sumilip siyang muli sa may bintana, saka ko lang napansin na may kakaiba sa kanya. 
"Bakit ba parang takot na takot ka? Ano bang nangyayari?"
"Var, hindi ko rin alam kung ano ang nangyayari, pero pagkauwi ko galing sa school, nakita ko sina Mama at Papa, para silang mga halimaw na balak akong lapain. Meron silang mga pangil, at wala na silang eye balls! Hindi na rin nila ako nakikilala. Nagawa ko silang mai-lock sa bahay pero kanina habang naglalakad, nakita kong marami silang nagkalat sa daan. M-may nakita rin akong isa kanina, si Totoy yung nagbebenta ng fishball, kinakain niya si aling Lukring," mangiyak-ngiyak niyang kuwento. Napaupo siya sa upuan at agad naman siyang inabutan ng tubig ni Leaf. 
"Eto, inom ka muna, hon... ah eh Xy." Tiningnan lang siya nang masama ni Xy bago nito ininom ang tubig. Tumayo ako at sumilip sa bintana, kanina pa kami naglalaro dito ni Leaf kaya wala kaming alam sa nangyayari ngayon sa mundo. Palubog na ang araw at nakabukas na ang mga street lights. Hindi na ako nagimbal sa nakita ko (siguro dahil ito ang kanina pa namin nilalaro ni Leaf - ang pumatay ng zombies). Totoo nga ang sinabi ng kapatid ko, nagkakainan na sila sa labas ng computer shop na ito. Agad kong sinara muli ang blinds, wala dapat makaalam na may tao sa loob ng shop na ito. Teka, nasaan na ang nagbabantay ng shop?
"Ate Nena? Nasaan ka? Nandyan ka pa ba?" Katabi ng computer shop ang isang sari-sari store kung saan madalas na naglalagi si ate Nena, bukas na bukas ito sa madla at kung kanina pa siya nandoon ay dapat kanina pa siya nagsisisigaw (At kung sumigaw man siya ay hindi namin siya maririnig dahil malalaking headset ang nakakabit sa aming mga tainga!) Kanina pa siya wala sa loob ng computer shop. Hindi kaya naging aswang na rin siya? 
Bago pa ako makapag-isip ng susunod kong gagawin ay biglang pumasok sa loob si ate Nena. Gulo gulo ang buhok nito at may dugong tumutulo mula sa kanyang bibig, putol na rin ang kanyang kanang braso. Tama nga ako ng hinala. Nagulantang kaming tatlo, umungol siya na parang isang halimaw. Mapula ang kanyang mga mata at para siyang nae-exorcist. Natanaw ko ang isang pala sa may bandang gilid ng kwarto. Agad ko itong kinuha at agad na ipinukpok kay ate Nena. Pinagpapalo ko siya hanggang sa napahiga siya sa sahig. "Arghhhh!"
"Sa ulo mo siya paluin 'tol!" suhestyon ni Leaf na agad ko namang sinunod. Dumanak ang dugo (at utak) sa sahig nang matamaan ko ang ulo niya. 
"Sorry, ate. Maraming salamat sa mga libreng extension sa oras na binigay mo. Hindi ko inakalang dito ang kahahantungan natin," sabi ko nang makita kong hindi na siya umiimik, mukhang patay na siya. 
"Dios mio, hindi ko ata kaya 'to!" Nasambit ni Xylene. "Anong gagawin natin?"
"Kailangan natin ng plano." Wala ng signal ang aming mga cellphone, wala na rin connection ang internet. Tanging headlines ng isang website na lang ang nagawa namin basahin, dahil kapag kini-click namin ang link ay hindi na ito naglo-load. 
Kunot noong binasa ni Leaf ang mga headlines:
"Philippines under Aswang attack!"
"President advised the people to hide and protect selves."
"No cure for Aswang bites."
"To kill Aswang - hit the head!"
"Looks like, we're on our own now," sabi ni Leaf. Tumayo siya at sinumulang hilain palabas ng kwarto ang katawan ni ate Nena. "Dali, kunin natin lahat ng stock sa tindahan, dito muna tayo hanggang wala pa tayong plano."
"Dito lang tayo? Hindi ba tayo hihingi ng tulong sa mga pulis?"
"Wala na rin maitutulong ang mga pulis ngayon dahil baka sila rin ay naging mga aswang na." Tumayo na rin ako at tumungo sa tindahan. Sinara ko ang bintana at isa isang kinuha ang mga kakailanganin para makapag-isip ng magandang plano. Sa tingin ko ay magagamit ko na ang mga skills na natutunan ko sa paglalaro ng computer games. Nagsimula na rin tumulong si Xylene, malungkot siya at mukhang nanghihina sa mga nalaman. "Akong bahala sa'yo sis, okay? 'Wag kang mag-alala." 
"Mami-miss ko sina Mama at Papa," aniya at saka nag-iiyak sa isang sulok. 

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Adventure Time - Lady Rainicorn