Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Saturday, 9 April 2016

The Aswang Virus - A Philippine Apocalyptic Story (One: Ika-apat na Araw)


  Malalakas na katok sa pinto ang narinig ni Presidente Henson Ronaldo habang siya ay abala sa kanyang opisina sa Malacañang. Hindi pa siya nakakasagot ay agad rin nasundan ito ng pagbukas ng pintuan kung saan ay nakita niya na iniluwa nito si Heneral Froi, ang chief of staff of the Armed Forces of the Philippines. "What is the rush General?" tanong ng pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. 
     "Mr. President, kailangan mapanood ninyo ito!" Nagulat man ang presidente sa inasal ng kanyang kagalang galang na heneral, kinuha niya pa rin ang remote ng telebisyon mula sa kanyang drawer. Ini-on niya ang TV at bumulaga sa kanya ang daang libong nagra-rally sa ka-Maynila-an.
     "Ano bang bago dito General? Ilang araw na silang nandiyan at pinapababa ako sa puwesto," tugon ng presidente. Hindi na siya nagulat dahil sa kasaysayan ng Pilipinas, ilang beses nang may natatanggal sa puwesto dahil sa pagra-rally ng mga Pilipino. Noong panahon ni Marcos unang nagkaroon ng People Power dahil ayaw ng sambayanang Pilipino ang naiaalis ang demokrasya sa kanila, ayaw nila ng diktaturya. Naulit ito noong panahon ni Erap Estrada dahil napatunayan nila na corrupt ito, at isa pang muli sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo. Sa pangatlong pagkakataon ay hindi sila nagtagumpay, humingi lamang ng tawad si Arroyo at muli ay kinalimutan na ng taumbayan ang mga nangyari. Ngayon naman ay nagkakaroon muli ng "People Power" dahil nababagalan sila sa aksyon mula sa gobyerno, marami pa rin daw ang naghihirap at nagugutom kahit pa ang Pilipinas ang isa sa bansa sa Asya na may umuunlad na ekonomiya sa termino nito.
     "Sa paglipas ng araw ay mas lalong dumami ang tao sa Edsa, Mr. President," sagot ng heneral. "Pero hindi po 'yan ang ipinunta ko rito, panoorin ninyong mabuti ang nangyayari." 
     Nai-zoom ang camera sa isang parte ng rally kung saan nila nakita ang isang lalakeng tila nag-aamok. Maririnig ang tilian ng mga tao na takot na takot sa naghahasik na lalake. Nakahubad ito ng pang-itaas at nakapantalon, habang wala namang saplot ang mga paa nito. Nanlilisik ang mga mata habang ang bibig naman ay tila dumudugo. Itinuon ang camera sa isang banda, kung saan naroroon ang umiiyak na ginang na nakahilata sa kalsada, hawak hawak ang leeg nito kung saan sumisirit ang dugo. Walang ginawa ang mga tao at sa halip ay inikutan lamang ang eksena, ang iba ay naglabas ng cellphone at nag-video ng mga pangyayari. "Tulungan ninyo ako, tumawag kayo ng ambulansya!" sigaw ng ginang na may suot na mabulaklaking duster. Ilang sandali pa ngunit walang natinag kung 'di ang isang payat na binibini na may suot na pulang t-shirt.
     "Eto na ho, tatawag na ako. Sandali lamang po!" natatarantang sabi ng babae. Pero bago pa siya makapag-dial ay agad na siyang sinunggaban ng lalake at pinagkakagat ito sa may braso. "Ahhhhh!!!!" Sa lakas ng pagkakagat nito ay isang malaking parte ng laman ng babae ang natanggal. Natakot ang mga taong nakapaligid at agad itong nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Sinusubukan ng binibini na makawala subalit malakas ang puwersa ng lalake. Tuluyan na siyang nawalan ng malay habang sunod sunod na siyang nilalantakan ng lalake. Sa kabilang banda, ay bigla na rin nagwala ang ginang na ngayon ay tila may kakaibang enerhiya na bumabalot sa kanya. Nakatayo ito kahit pa sumisirit pa rin ang dugo mula sa kanyang leeg, humahabol ng mahinang nilalang na tila ba isang hayop na gutom na gutom.

     "Nakikita po natin na nagkakagulo na dito ngayon sa Edsa," sabi ng lalakeng reporter na mukhang hindi rin makapaniwala sa nangyayari. Mukhang nasa itaas na bahagi ito ng isang gusali kaya hindi siya apektado ng mga taong nagkakagulo sa ibaba. "Grabe nakita ninyo siguro mga kapamilya at kapuso ang nangyari kanina lang, kung saan may isang di-kilalang lalake ang biglang nanggulo at pinagkakakagat o puwede rin naman sabihing pinagkakakain ang mga tao sa paligid niya. Kung nakapanood po kayo ng isang zombie movie, ganitong ganito rin ang eksena. Ayan po, ifo-focus namin ang camera kung saan kasalukuyang kinakain ng isang matandang babae ang isang matandang lalake na iika ika sa paglalakad. Tila naging halimaw ang matandang babae matapos itong kagatin sa may leeg ng kaninang hindi pa rin nakikilala na lalake. Nakakapagtaka na wala tayong nakikitang kapulisan dito ngayon, marahil hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao na humaharang sa kanila kanina. Tinatawagan ko po ang presidente ng Pilipinas, president Henson kailangan po namin ng tulong ninyo ngayon," pagtatapos ng reporter. "At 'yan na nga ang nangyayari ngayon dito sa Edsa, back to you Julius."
     "Salamat kapatid na Ryan sa iyong balita diyan sa Edsa. Pumunta naman tayo sa bahagi kung saan naroon ngayon si Feliz. Feliz, pasok! Nasaan ka na ngayon? Ano nang nangyayari diyan sa kinaroroonan mo?"
     Isang matabang babaeng reporter ang lumitaw sa TV na pinapaligiran ng mga kapulisan. "Salamat Julius. Nandito tayo ngayon kung saan naroroon ang mga kapulisan. Nakikita ninyo naman na naghahanda na silang tumungo kung saan nagkakagulo."
     "Chief, ano hong balak nila ngayon?"
     "Pasensya na po, 'wag po sanang manggulo muna ang media. Magkakaroon kami ng importanteng operasyon, doon po muna kayo sa tabi at delikado."
     "Nakita ninyo po ba ang nangyari kanina? Sandali lang ho! May tanong pa po ako Chief!" Naiwang mag-isa ang babaeng reporter dahil mabilis na nagsi-alisan ang mga pulis patungo sa direksyon ng nanggugulo.
     Nagimbal sa kanyang kinauupuan ang presidente, hindi makapaniwala sa nakita. "Ano ba itong nangyayari? Para silang mga halimaw!"
     "Isang oras na ang lumilipas mula nang nangyari ito, sinusubukan na ng ating kapulisan na masugpo ang mga halimaw na ito. Also, Mr. President, the palace has been fully secured, while naka-high alert na ang mga kapulisan sa iba't ibang parte ng Maynila."      "Nasaan na ang mga kapatid ko?"      "They are also safe and sound dito sa loob ng palasyo, wala na kayong dapat ipagalala pa. We just would like to advice you not to go out of the palace, at the moment, this is the safest place in Manila."      "Ano na ang status ng mga taong nagra-rally ngayon?"      "Mahirap para sa ating kapulisan na sugpuin ito, sa ngayon ay meron ng hindi mabilang na casualties."      "Kailangan na ba natin ng tulong ng Amerika?"      "Sa ngayon po ay masyado pang maaga para humingi ng tulong. Maynila palang ang apektado-"      "Saan ito nanggaling? Bakit nangyayari ito?"      "Mahirap pa masagot 'yan, Mr. President, but we're doing the best that we can."      "Let's wait for a few more hours, pagkatapos tingnan natin ang status. Magpadala ka ng mga sundalo para ma-quarantine ang mga taong nakagat na. Sa ngayon, gusto kong magpatawag ng miting."      "Okay, Mr. President. Babalik po ako maya-maya." Bago tumungo palabas ang pinto ang heneral ay nagsalita itong muli, "Mag-iingat po kayo, siguro ay dapat iwanan ko muna ito sa inyo." Iniabot ng heneral ang kanyang baril. "Kung zombie nga ito ay isang tama lang sa ulo at mamamatay na ito."      "Roger that, general." 
     Muling itinuon ni Henson ang atensyon sa telebisyon, nagpalipat lipat ito ng channel ngunit walang lumalabas na kahit na anong programa. Kinuha niya ang kanyang cellphone ngunit wala rin siyang masagap na signal. "Anong nangyayari? Kanina lang ay napakapanood pa kami ng TV." Hindi na siya mapakali, nagpaikot-ikot siya sa loob ng kanyang opisina. Tumingin siya sa may bintana at tulad nga ng sinabi ng heneral ay puno ng sundalo ang buong palasyo. Hanggang sa hindi na siya makatiis pa, tatawagan na niya ang presidente ng Amerika. Lalabas sana siya sa kanyang pintuan para sabihan ang kanyang sekretaryang si Martha na i-dial ang numero ng presidente ng Amerika, pero natigilan siya sa pagbukas ng pinto. Isang malakas na tili mula kay Martha ang kanyang narinig. Sumilip siya sa peephole at dito ay nakita niya na nilalantakan ng isang sundalo si Martha. Agad ikinasa ni Henson ang kanyang baril. Pagkabukas ng pinto ay inasinta niya ang baril sa ulo ng sundalo at saka ito ipinutok. Bumulagta naman agad ang sundalo ngunit tila napuruhan na si Martha. Namumula na ang mga mata nito habang gumagapang ito patungo sa kanya.
     "T-tulungan m-mo akk-ko," anito. Bumubula na rin ang bibig nito na tila nauulol. Matagal nang nagtratrabaho si Martha bilang sekretarya niya, senador pa lang siya ay nagsisilbi na ito sa kanya. Nahahabag siyang makita ito sa ganitong sitwasyon. Dahil hindi pa kailanman natatali si Henson, paminsan-minsan ay nagkakaroon ng mga gabing magkasalo sila nito ni Martha. Minsan sa opisina niya, minsan sa kwarto niya sa palasyong iyon. Asawa ni Martha ang isa sa miyembro ng kanyang kabinete pero masyadong malakas ang atraksyon nila sa isa't isa. Mukhang hindi na tatagal si Martha, nakagat siya ng sundalo sa kanyang tiyan, masyadong mabilis ang pangyayari kaya naman ay kumalat sa carpet ang bituka nito. "M-mahal..." ang huling salita na lumabas sa bibig nito bago ito nangisay. 
     Hindi, hindi niya kayang patayin si Martha. Kahit papaano ay minahal niya rin ito. Nang mawalan ito ng malay ay saglit niyang pinagmasdan ang mukha nito. Kulot at mahaba ang buhok nitong nakapusod, pula at makapal ang lipstick sa labi, malalaking perlas ang nakapalamuti sa tainga at leeg nito. Kumuha siya ng sigarilyo sa kanyang bulsa, sinindihan ito at nagsimulang humithit. Limang minuto ang lumipas bago muling nag-ingay si Martha. Katulad ng babae sa TV, tila nagkaroon ito ng kakaibang lakas, nakabangon itong muli na nanlilisik ang mga mata. "Martha, hindi mo ba ako nakikilala?"
     "Rrrawrrrlll..." ang tanging sagot nito sa kanya. Inilagay ni Henson ang natitira sa kanyang sigarilyo sa ash tray. Dahan dahang lumapit sa kanya si Martha, tila ito'y isang hayop na gutom na gutom. Kinasa niyang muli ang kanyang baril, at nang dalawang metro na lang kanilang layo sa isa't isa ay agad niya itong ipinutok sa ulo nito. Tumilamsik ang dugo na nagmula sa utak nito sa kanyang puting barong tagalog, at bumulagta naman si Martha sa sahig. Tiningnan niyang muli ang mukha nito na wala ng bahid ng "pagiging Martha" nito dahil wasak na ang buong mukha nito. 
     Matagal nang itinigil ni Henson ang paninigarilyo, pero sa pagkakataong ito, alam niyang kailangan niyang humithit ng isa pa. Bumalik siya sa kanyang opisina at ini-lock nang maigi ang kanyang pinto.  

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn