Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Saturday, 9 April 2016

SAKIT NG KAHAPON (Chapter Twenty One: Mga Tinatagong Sikreto)

23:16 Posted by Cindy Wong Dela Cruz , , No comments
Ilang linggo ang lumipas at dumating na rin sa wakas ang araw ng panganganak ni Ginny. Pumutok ang amniotic sac nito bandang alas tres ng hapon habang abala siya sa online class. Naging alerto ang buong kabahayan at dali dali siyang dinala sa ospital na limang kilometro rin ang layo mula sa Hacienda. Mabuti na lamang at naisipan ni Jordan na hindi magpunta sa warehouse nang araw na iyon at nung oras na narinig niya ang pagsigaw ni Ginny ay agad niyang kinuha ang emergency bag na naglalaman ng mga kakailanganin at mabilis na pinaandar ang sasakyan. 
Habang patungo sila sa hospital ay tinawagan na rin ni Martha ang pamilya ni Ginny, at sinabihang manganganak na ito. Pagkasabi ni Martha ng address ng ospital ay nagmadali na ring nag-ayos sina Malyn, Nina at Gigi sa kanilang pagpunta sa bahaging iyon ng Pilipinas. Habang nasa daan sila ay tumawag na rin sila sa ina ni Ginny na nasa Singapore. Agad itong nagpaalam sa trabaho at nag-book ng ticket pauwi ng Pilipinas nang gabing din iyon. 
Tinawagan din ni Martha sina Felicidad at Carlito na kasalukuyang nasa Frankfurt at ibinalita ang pangyayari. Labis na ikinatuwa ito ng dalawang matanda at nagsabing agad itong uuwi pabalik ng Pilipinas. Masaya sila dahil sa wakas, may isa na namang madadagdag sa angkan ng mga Dela Fuente.
Walang kaalam alam si Ginny sa mga nangyayari dahil ang atensyon niya ay nasa sakit na nararamdaman. Habang siya ay nagle-labour ay hindi naman umalis sa kanyang tabi si Jordan, hawak hawak nito ang kanyang kamay at ni minsan, ay hindi binitawan. 
"Kaya mo 'yan sweetheart, don't worry, this is going to be over soon."
"Ang sakit sakit naa... arghh!!!"
Hinagkan ni Jordan si Ginny sa noo, at sa kamao nito, habang pinapakalma ang kasintahan. "Saglit na lang at lalabas na rin si baby. You can do this sweetheart."
Halos apat na oras na nag-labour si Ginny bago siya dumating sa parteng iiri ang lahat ng natitira niyang lakas. Pinagpapawisan siya at hapong hapo na pero tuloy pa rin siya sa pag-iri. "Sige, iiri mo lang," udyok ng doktora.
"Aarrghhh!!"
Sa huling ire na iyon ni Ginny ay ibinigay niya ang natitira niyang lakas. Pagkatapos nu'n ay isang nakakabinging katahimikan. Hindi na rin halos makapagsalita si Jordan at si Ginny, tila naghihintay sila sa sasabihin ng doktora. Iniangat ng doktor ang isang sanggol na bigla na lang bumulalas ng iyak. Halos mapaiyak naman sa saya si Ginny nang makita ang anak. Nanganak na rin siya sa wakas! Bago pa niya mahawakan ang anak ay tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Sumugod din sa ospital si Grace, at katulad ng mga naunang nabanggit ay sabik na sabik na rin siyang makita ang hitsura ng sanggol. May mga tsismis siyang naririnig sa mga kasambahay ng hacienda tungkol sa tunay na ama ng dinadala ni Ginny. Ayaw man niyang pakinggan ang mga haka haka ay hindi niya maiwasang isipin kung totoo nga ba ang mga paratang sa sinasabing nobya ng pamangkin. Gusto niyang makita sa sariling mga mata kung totoo ang nasagap na balita. Dinala siya ng kaibigang nurse sa nursery at doon ipinakita ang sanggol. Napalunok lamang si Grace. Wala ni isang katangian ng mga Dela Fuente ang makikita sa sanggol.

Nang magising si Ginny ay nasa tabi na niya si Lola Malyn, Nina at si Gigi. Nakangiti ang mga ito sa kanya. "Kumusta ka na apo?"
"Nakita ko si baby, ang cute cute niya."
"Nasaan na siya?"
"Sandali lang at tatawagin ko ang nurse." Tinawag ni Nina ang nurse upang dalhin na ang bata kay Ginny. Mahimbing na natutulog ang sanggol nang mahawakan ito ni Ginny. Hindi matatawaran ang sayang nadarama niya. Nawala ang lahat ng agam agam niya sa buhay at naramdaman niya ang biyayang nasa mga kamay niya ngayon. 
"Ang gwapo ng batang ito." sabi ng kanyang lola. 
"Parang anak mo lang ang batang ito, hindi naman kamukha ni Lorenz." pabirong sabi ni Nina. 
"Oo nga apo, ang pisngi ay katulad ng sa iyo nang ipinanganak ka ng mama mo. Ang kapal ng buhok, at hugis ng labi ay sa iyong sa iyo."
Paulit ulit na hinagkan ni Ginny ang anak. "Mahal na mahal ka ng mommy, anak." Nasa ganoon silang ayos nang dumating si Jordan sa kwarto. 
"Gising ka na pala sweet heart!" masayang bati ni Jordan. May dala itong bulaklak at isang supot ng pagkain na binili mula sa isang fast food. "Kain po muna kayo Lola, Nina, baka nagugutom na si Gigi. Ang layo pa ho ng ibiniyahe niyo."
"Sige aayusin ko lang ang mga pagkain na ito sa mesa," presenta ni Nina. Nagpunta ang tatlo sa may bahaging sala ng pribadong kwarto na iyon. Naiwan naman si Jordan sa tabi ni Ginny at ni baby. 
"Jordan, puwede bang palitan natin ang pangalan ng baby? Pupuwede bang hindi Jordan Jr.?"
"Sweetheart, kahit anong ipangalan mo sa baby natin ay okay lang sa akin. Basta 'wag lang yung pagtatawanan siya ng mga kaklase niya paglaki niya ha."
"Ang bait bait mo sa akin Jordan..."
"Ano bang sinasabi mo Ginny?" nalilitong tanong ni Jordan. 
"Hanggang ngayon kasi ay di pa rin ako makapaniwala na may lalakeng kagaya mo, sinalo mo kami ni baby nang mga panahong kailangan namin ng isang gaya mo."
"You know how I see it? Ikaw, kayo ni baby ang dumating sa buhay ko at nagbigay sa akin ng direksyon. Kung hindi dahil sa inyo, siguro ay hindi kami nagkaayos nina grandma and grandpa. Siguro hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ako bumabalik sa hacienda, matigas ang ulo at sinusunod lang ang gusto. Binigay mo sa akin ang blessing na ito, to be the father of your child." Hinagkan ni Jordan sa noo si baby, at sa mga labi naman nito si Ginny. "Mahal na mahal ko kayong dalawa."

Kinaumagahan ng sumunod na araw ay dumating na rin sa wakas ang inang si Virginia. Nagkaroon ito ng pagkakataong masolo ang anak at doon sila nagkausap ng masinsinan. "Ginny, sinabi na sa akin ni Mama ang lahat, na hindi si Jordan ang ama ng bata," magkahalong awa, galit at lungkot ang nasa mga mata nito. Pero anak niya pa rin ito, nagkamali man ito katulad ng mga nakakatanda niyang anak, ay tanggap niya pa rin ito. Ang ina ay hindi kailanman tumatalikod sa tungkulin kahit pa sa napakahirap na sitwasyon. 
"Sorry po Ma, dahil nagsinungaling ako sa inyo. Ngayong Ina na ako ay maiintindihan ko kung magagalit kayo sa akin," naluluhang tugon ni Ginny. "Binigo ko na kayo ng isang beses, pagkatapos ay binigo ko kayong muli dahil sa pagsisinungaling ko. I'm so sorry po." Tuluyang humagulhol si Ginny. Yumakap si Virginia sa anak, pilit na pinapatahan.
"Hindi naman na ako masyadong galit. Nagtatampo siguro, pero hindi mo naman ako masisisi 'di ba? May karapatan akong maramdaman ang mga ito. Pero mahal kita anak, kaya kahit ano pa man ang gawin mo ay lagi lang akong nasa likod mo." 
"Salamat po, Ma." 
"Naiintindihan ko na gusto mong bigyan ng maayos na pamilya ang baby mo. Pero totoo bang nagmamahalan kayo ni Jordan?"
"Opo, mahal ko po siya Ma. Hindi dahil malaki ang naitulong niya sa akin sa lahat ng ito, kung 'di dahil mahal ko na talaga siya. Hindi po siya mahirap mahalin."
"At papaano kapag nalaman ito ng mga kamag-anak niya? Anong gagawin mo? Anong sasabihin niyong dalawa? Sa tingin mo ba matatanggap ka ng dalawang matanda? Wala tayo sa telenobela Ginny, pero hindi malayong mangyari ang sinasabi ko. Mayaman sila, mahirap lang tayo."
"Hindi naman po sila ganoon, Ma... M-mababait po sila." Hinawakan ni Virginia ang kamay ng anak. 
"Kung sakali mang mangyari ang kinakatakutan ko ay tumawag ka lang sa akin, okay? Matatapos na ang trabaho ko sa Singapore at may kumukuha na sa akin sa US. Gusto ko sanang dalhin kayong lahat doon, at doon na tayo magsama sama." 
"Ma, bakit ang layo naman po?"
"Mas maganda kung doon na tayo maninirahan at magbabagong buhay. Mas malaki ang oportunidad at mas malaki ang kita. Ang sabi pa sa akin ay pupuwede ko raw dalhin ang pamilya ko," aniya. "Kaya kung sakaling hindi kayo mag-work out ni Jordan-"
"Ma, 'wag po muna nating pangunahan ang mga mangyayari. Ang sabi po ni Jordan ay hindi niya ako pababayaan, at ganoon rin po ako sa kanya hangga't walang sumusuko sa amin." Tiningnan lamang ni Virginia ang disiotso aƱos na anak. Bata pa rin ang tingin niya dito, walang muwang, naniniwala sa "fairy tale" at sa "happily, ever after."
Hindi muling nakaimik si Ginny dahil alam niyang may punto rin ang Ina, pero hindi niya magagawang sumuko ngayon. Alam niyang kapag pumutok ang balitang hindi anak ni Jordan ang dinadala niya ay siguradong magagalit ang buong angkan ng Dela Fuente sa kanya. 

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn