Diana Morales - an excerpt from PENDULUM
23:16
“Diana, halika dali, habulin mo ‘ko!”
“Sandali lang Pill, magsasapatos pa ako, hintayin mo ‘ko
at ‘wag kang madaya!”
Bumaba ako sa kinauupuan ko at agad kong isinuot ang
isang pares ng pulang sapatos na regalo pa sa akin ni mommy
noong nakaraang taon. Ito ang pinakapaborito kong sapatos at
kahit pa bilhan ako ng ilan pang bago ay ito at ito pa rin ang
isinusuot ko. Katulad ng nakagawian ng aming pamilya tuwing
Sabado ng gabi, may magarbong pagdiriwang sa bahay namin
kung saan maraming tao ang imbitado. Tumakbo ako sa
kinaroroonan ni Pill na sige lang ang kaway sa akin. Sadyang
maliksi siya, kahit pa ibinibigay ko na ang lahat ng makakaya ko.
Hanggang sa hindi ko na alam kung bakit; tila ang bigat-bigat
ng mga paa ko. Papalayo na si Pill pero pinipilit ko pa rin na
humabol.
“Pill, nasaan ka na? Hindi na kita makita...”
Agad akong napabalikwas mula sa pagkakahiga.
Napanaginipan ko na naman si Pill katulad ng mga nagdaang
gabi. Hawak ko ang kumikirot na ulo habang nakatitig sa may
kisame. Bumubuga ang malamig na hangin mula sa aircon kung
kaya naman ay lalo kong hinapit ang malambot at puting kumot
sa aking katawan. Kahit alas-otso na ng umaga, madilim pa rin sa loob ng kwarto dahil sa makapal na kurtina ng hotel na
tinutuluyan ko.
Magmula nang dumating ang e-mail na ipinadala sa
akin ni Pill, nagsimula na rin siyang lumitaw sa mga panaginip
ko. Gabi-gabi ko siyang napapanaginipan pero iba-iba ang mga
senaryo. Ngayon naman, napanaginipan ko na mga bata pa kami
at naglalaro. Hindi lang iyon basta-basta panaginip dahil ang
senaryong ito ay nangyari talaga noong kami ay mga bata pa.
Madalas iyon sa malawak naming hardin, nuwebe anyos ako
noon, siya naman ay nasa kinse anyos na, teenage years
kumbaga. Kay tagal nang panahon na wala kaming
komunikasyon sa isa't isa; kung hindi ako nagkakamali, limang
taon na, limang mabibilis na taon na pala ang lumipas.
Hindi! Hindi ko bubuksan ang e-mail na ipinadala ni Pill
kahit na ano’ng mangyari. Unang-una, dahil ayaw ko na ng gulo.
Gusto ko sanang manahimik na lamang at mabuhay nang
normal. Gusto ko nang kalimutan ang nakaraan. Kung mayroon
mang isang bagay na hindi ko kayang gawin, iyon ay ang balikan
ang nakaraan. Kaya nga mas pinili kong lumayo at maglakbay sa
iba't ibang bansa dahil hindi ko na kayang harapin pa ang
bansang aking pinagmulan - ang Pilipinas. Mabuti na lamang at
napakinabangan ko ang passport na inilakad ni Pill para sa akin,
dahil sa kanya, nagkaroon ako ng pangalawang pagkakataon
para mabuhay nang normal at naaayon sa kagustuhan ko.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga at naglakad patungo
sa may bintana. Inawang ko nang kaunti ang kurtina at agad na
pumasok ang sinag ng araw. Napangiti ako sa nakita ko. Mula sa
aking bintana ay kita ko ang bulubundukin ng Kaikoura, New
Zealand. Sa harap ng bintana ko ay daan-daang tupa ang
dumadaan. Tuluyan ko nang binuksan ang kurtina pero iniwan
kong nakasarado ang bintana. Nasa ganoon akong ayos nang
biglang tumunog ang telepono. Sabi ko na nga ba, sa oras na
buksan ko ang kurtina, mayroon at mayroong iistorbo sa akin.
“Hello Ms. Williams, I hope you had a wonderful sleep
last night. I would like to inform you that you can have
breakfast anytime in our lodge restaurant, or would you like to
have breakfast in the comfort of your room?”
“Hi Jordan, yes please. I would love to have my breakfast
here in my room.”
“Do you like to have the usual?”
“Yes, but this time I need two cups of espresso.”
“Coming right up, madam!”
Pagkababa ko ng telepono, nanatili akong nakakatitig sa may bintana. Nang iwan ko ang Pilipinas, ano lang ba ang dala
ko? Isang maleta na puno ng damit, isang pirasong photo
album, isang libro (Ang Bibliya), passport, at pera. Lumipas ang
ilang taon at naisip ko na kung gaano karami ang dala ko noon,
ganoon pa rin karami ang dala ko ngayon; nadagdagan lang ng
laptop ang ari-arian ko.
Binuksan ko ang laptop at agad na nag-check ng e-mail.
Sa lakas ng kapangyarihan ni Pilaes S. Yalak, sa tingin ko ay
kung hindi ko bubuksan ang ipinadala niyang mensahe, sa loob
ng sampung taon ay malamang sampung taon ko rin siyang
mapapanaginipan. Mayroon akong malakas na pakiramdam na
kailangan kong mabasa kung anuman ang nilalaman nito. It
could be anything Diana Morales. It could even be a spam
message, - paulit-ulit na usal ko sa sarili. Walang laman ang
inbox ko, tanging ang e-mail lang na nanggaling kay Pilaes ang
naroroon. Binuksan ko ito at hindi na ako nagulat kung gaano
kaikli ang mensaheng nilalaman nito.
[Diana, bumalik ka na rito sa Pilipinas. Importante.]
Ininom ko ang isang bottled water na nasa mesa ko at
napabuntong-hininga. Kung babalik ba ako sa Pilipinas ay
maabutan ko ba siya? O katulad ng panaginip ko ay tatakbo
lang ako papalapit sa kanya para sa wala? Magkaganoon pa
man, tila ba may sariling isip ang mga daliri ko.
[Sabihin mo kung saan at kailan,] maikli kong sagot. Wala pang isang minuto ay tumugon na siya.
[Bukas, pumunta ka sa address na ito: # +43 D Oliver Newton Ext.]
[I am more than 13 hours away from Philippines. I don't think that it will be possible Pill. I'm sorry but I can't. I bid goodbye five years ago and I told you I won't be coming back.]
Ilang sandali rin akong naghintay ng isasagot niya; inaasahan ko na titigil na siya at papabayaan niya na ako. Pero
talagang wala pa ring pinagbago ang kaibigan kong si Pill dahil
ang sumunod niyang email ay:
[Diana, I booked you a one way ticket which you may find attached in this email. I hope you don't mind being in economy class; that's the last seat left for this afternoon's flight.]
Walang-hiya ka talaga Pilaes Yalak! Hanggang ngayon ay
wala ka pa ring pinagbago. Pabagsak kong isinara ang laptop
habang patuloy tumatagaktak ang malalamig na pawis sa aking
noo. Ano ba ang gustong mangyari ni Pill? Ano pa ba ang
kailangan niya mula sa akin? Sinabi ko na noon na hindi na ako
babalik sa Pilipinas, ang bansang nagbigay sa akin ng
masasamang alaala. Ang bansa kung saan nakatira ang
trumaydor sa aking pamilya.
“Do you need anything else Ms. Williams?” tanong ni
Jordan matapos ihain sa mesa ang almusal.
“That will be all Jordan, and oh by the way, I will be
checking out this afternoon and will need to catch the flight
back to Manila by 5:00 p.m. Please arrange for the airport
transportation.”
“Surely, will arrange right away!”
##
Nasa grade school pa lang ako nang i-hire si Pill bilang
tutor ko sa subject ko na Filipino. Kahit naman kasi nag-e-excel
ako sa larangan ng Mathematics, Science at English, ay mahina
naman ang kukote ko pagdating sa wikang Filipino. Ito ay dahil
hindi naman ito ang unang lengguwaheng itinuro sa akin kundi
ay Ingles, tulad sa halos lahat ng mga kabataan ngayon. Katulad
ng ibang mga magulang, gusto ng mga magulang ko na humasa
ako pagdating sa wikang Ingles, pero saka lang nila naisip na
kailangan pala talaga ang wikang Filipino lalong-lalo na sa
eskwelahan at lalong-lalo na dahil sa Pilipinas ako nakatira.
Noong una, dahil hindi ako magaling sa Filipino ay wala akong
makausap na mga kaklase ko. Ang tawag nga nila sa akin noon
ay Ingleserang palaka. Kahit naman ano’ng gawin ko nang mga panahong nasa grade school ako ay hindi ko maituwid ang dila
ko kapag tagalog na ang pinag-uusapan. Minsan pa nga ay
umuuwi akong umiiyak dahil minsan gumagamit ang mga
kaklase ko ng mga salitang hindi ko mapagtanto kung ano ang
ibig-sabihin, saka sila titingin sa akin at sabay tatawa. Mga
karaniwang salita na naririnig ko ay “sabog”, “tarantado” o hindi
naman kaya ay “timang”. Pinalaki ako sa isang protektado at
mapagmahal na kapaligiran at ni minsan, wala akong narinig na
ganoong uri ng salita sa bahay.
Isang araw, pag-uwi ko galing eskuwelahan ay
pinadiretso ako ni yaya sa may hardin sa likod-bahay. Malayo pa
lang ay tanaw ko na si mommy na may kausap na lalake.
Malawak ang tatlong palapag na bahay na tinitirhan namin.
Pinalilibutan ito ng isang malaking hardin na puno ng rosas,
ylang-ylang, gumamela at kung anu-ano pa. Mayroon kaming
hardinero na nagngangalang kuya Jobert. Siya ang nangangalaga
sa hardin ng aming kabahayan. Madalas ko siyang naririnig na
kumakanta habang nagdidilig ng hardin. Mayroon din kaming
isang driver, si manong Thomas, na pagkatapos akong ihatid sa
school ay si daddy naman ang ihahatid niya sa opisina nito. Sa
pagkakaalam ko, apat na dekada na siyang nagtatrabaho sa
pamilya namin, kahit pa noong buhay pa ang Lolo't Lola ko.
Tapos, nand’yan si ate Maria na siyang nangangalaga ng
kakainin namin magmula sa almusal hanggang sa midnight
dessert. Ang pinagtataka ko nga ay bakit kahit pinalilibutan siya
ng pagkain buong araw ay balingkinitan pa rin ang katawan
niya? Tatawanan niya lang ako sa tanong ko at sasagutin ng
“Diana, pagtanda mo ituturo ko sa’yo ang sikreto ko”. Tapos
nand’yan din si ate Perla na aming labandera at si manang Josie
na tagalinis ng buong kabahayan. Mag-bestfriend ang dalawa at
madalas ay nahuhuli sila ni mommy na nagtsitsismisan kung
kaya naman ay madalas ding napapagalitan. At siyempre, ang
yaya Inday ko na siyang nag-alaga sa akin mula pagkabata ko.
Siya ang nagpapaligo sa akin, naghahanda ng mga susuotin ko,
naghahatid sundo sa akin sa school at kung anu-ano pa.
Protektado ako ng lahat ng tao. Oo inaamin ko, nang mga
panahong ito ay mangmang ako sa mga nangyayari sa likod ng pader na nakapalibot sa aming bahay. Hindi ko alam ang ibig-
sabihin ng salitang mahirap dahil ni minsan, hindi ko ito
naranasan.
Lumapit ako sa kinaroroonan ni mommy at sa kasama
niyang payat at kayumangging binatang lalake. Ibinaba ni
mommy ang hawak niyang tasa sa marmol na mesa, at saka
nagsalita.
“Diana, I would like you to meet your Filipino tutor,
Pilaes,” mahinhing pagpapakilala ng aking mommy sa binata.
Iyon ang unang pagkakataon na nakilala ko si Pilaes, siyam na
taong gulang ako at siya naman ay labinlimang taong gulang.
Nakasuot siya ng puting t-shirt at itim na slacks na para bang
kagagaling lang sa eskuwelahan. Maayos ang pagkakasuklay ng
buhok nito na hati sa may gitna. Ngumiti sa akin ang kanyang
maamong mukha, at saka iniabot ang kanyang kamay para
makipagkamay.
“Mommy, he looks familiar.”
“It is because he is the nephew of your yaya Inday,”
sagot ni Mommy. “I have a good news for you. You don't have
to worry about your Filipino subject anymore because he is
going to teach you every afternoon after your class.”
“Really, Mom? I don't have to struggle with my Filipino
subject anymore? Thank you so much!” sabi ko sabay bigay ng
malaking yakap sa aking ina. “I'm so happy that finally, I will be
able to pass my Filipino subject. Pila-is, is it?”
“Diana, for now you can call me Pill for short.”
Ang palayaw na Pill ang itinawag ko sa kanya magmula
nang araw na iyon. Tinatawag ko lang siya sa buong pangalan
niya na “Pilaes Yalak” kung ako ay galit o naiinis na sa mga
pang-aasar niya sa akin. Magmula ng hapong iyon, halos araw-
araw ko nang nakikita si Pill sa bahay namin. Palagi iyon, araw-
araw pagkatapos ng klase. Pag-uwi ko ng alas-kwatro sa bahay,
magmemeryenda na muna kami. Magsisimula siya sa
pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng mga bagong
bokabularyo at pagkatapos ay papagamit niya sa akin sa isang
pangungusap. Hindi siya madali pero sa ilang taong pagtitiyaga
sa akin ni Pill ay natuto rin ako. Naging parang kuya ko na rin siya, siguro ay dahil wala akong kapatid at siya ang tumayo
bilang nakatatanda para sa akin. Hindi lang tagalog ang itinuro
niya sa akin, marami rin siyang itinurong mga bugtong, tula,
sawikain at salawikain. Lagi niyang sinasabi sa akin ang
salawikain na nanggaling pa kay Rizal, (ang hindi magmahal sa
kanyang sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda),
tapos ay dudugtungan niya ng (kapag hindi ka natutong
magtagalog, mumultuhin ka ni Rizal).
Laging ganoon ang mga patutsada niya sa akin. Siya rin
ang unang tao na nagpakilala sa akin sa mga gawa ni Rizal - ang
Noli Me Tangere na ang ibig-sabihin ay (touch me not) at ang
El Filibusterismo o (the filibustering). Ipinakilala niya sa akin
ang mga karakter nina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Kapitan
Tyago, Kabesang Tales, at Padre Damaso.
Hindi ako puwedeng manood ng mga telenobela noon
dahil sabi ni mommy ay wala raw akong magandang mapupulot
mula rito, “they are all nonsense” ang madalas nitong sinasabi
na sinang-ayunan ni Pill. Pinapayagan lang akong manood ng
mga documentary, minsan ay tungkol sa Pilipinas, minsan ay
tungkol sa kasaysayan ng ibang bansa o kahit na anong pang-
edukasyon.
“Grabe ka naman Pill, nag-95 na nga ako sa last Fiipino
subject ko, mumultuhin niya pa rin ako?”
“Wow, ang galing mo talaga! Hindi sayang ang
paghihirap ko sa’yo,” sagot niya.
Mabilis na lumipas ang dalawang taon at dahil sa tulong
ni Pilaes ay gumaling na nga ako sa pagtatagalog.
“Hmp! Aalis ka na raw dito?” pag-uusisa ko sa kanya.
“Narinig ko kay yaya Inday na sa Maynila ka na raw mag-aaral
ng kolehiyo.”
“Oo totoo iyon. Sa susunod na linggo kailangan ko nang
umalis kasi aasikasuhin ko pa ang enrollment ko.” Naaalala ko
pa ang petsa ng araw na iyon. Ika-isa ng Mayo, Labor day sa
Pilipinas. Nandoon kami sa pribadong library ng aming bahay
kung saan niya ako madalas na tinuturuan lalo na kapag
masyadong mainit o umuulan sa labas. “Excited na nga ako eh,”
dagdag pa niya. Bigla akong nalungkot. “Paano ‘yan, wala ng magtuturo sa akin ng tagalog?”
“Trust me, hindi mo na kailangan ng gabay ko. Kita mo,
naka-95 ka sa huling exam mo. Kung susundin mo lang ang
mga technique na itinuro ko sa’yo-”
“Kailan ka babalik? Kailan tayo ulit magkikita?”
“Edi sa sem-break, anim na buwan iyon mula ngayon,”
sabi niya.
“Ang tagal naman, sana mag-college na rin ako.”
“Alam mo kid, huwag kang magmadaling tumanda. I-
enjoy mo muna ang pagiging bata mo. Makikita mo paglaki mo,
mas nanaisin mo na lang na maging bata ulit. Kasi sa pagtanda
mo, mas bibigat ang mga pagsubok sa buhay, pero siyempre,
hindi naman ibig-sabihin no'n ay bibigay ka na lang basta-basta
kapag may dumating na mabigat sa’yo. Anyway, ang ibig kong
sabihin ay mabuhay ka sa kasalukuyan. Huwag mong hilingin
ang isang bagay na darating din naman sa takdang panahon.
Maikli lang ang buhay ng tao kaya tumingin ka sa paligid mo at
tingnan mo kung ano ang dapat mong ipagpasalamat. Darating
din ang panahon na magdadalaga ka, at kapag dumating ang
panahon na iyon, huwag kang mag-alala dahil kuya mo pa rin
ako,” aniya.
“Teka lang, is this still a part of my Filipino lesson?
Pinapangaralan mo na naman ako eh,” hindi siya sumagot,
sahalip ay tumayo at saka tumungo sa may bintana. Nasa
ikalawang palapag ang private library kung kaya naman ay mula
sa bintana ay kita mo kung ano ang nasa labas ng gate. Mula sa
library ay matatanaw mo ang maliliit na mga bahay na gawa
lamang sa kahoy at yero. Matatanaw mo rin ang mga buhol-
buhol na electric wires at mga askal na palakad-lakad sa kalsada.
Papalubog na ang araw kung kaya naman binabalot ang
kalangitan ng pinaghalong pula, dilaw at indigo. Napatingin sa
akin si Pilaes at ngumiti...
“Laro tayo ng habulan?”
##
Hi Pill,
Kumusta ka na diyan sa Manila? Salamat nga pala sa
stuff toy na ipinadala mo sa akin noong nakaraang Valentine’s
day. Akala ko nga ay nakalimutan mo na ako dahil hindi ka
naman sumasagot sa mga e-mail ko. Nag-try akong tawagan ka
sa number na ibinigay mo sa akin, pero kapag tinatawagan ko,
lagi ka naman daw wala.
Anyway, siguro kukuwentuhan na lang kita sa mga
nangyari sa buhay ko rito, dahil sa totoo lang, wala naman
akong ibang pinagkakatiwalaan. Marami akong nakakasamang
mga 'kaibigan' sa eskuwelahan, pero hindi ako kampante na
magsabi ng mga saloobin ko sa kanila. Minsan kasi,
nararamdaman ko na plastik sila sa akin. Ewan ko nga eh, baka
ako lang iyon.
Bumisita nga pala si Johnny at si auntie Karina, naaalala
mo pa ba sila? Si auntie Karina ay yung madalas na bumibisita
rito sa bahay namin na mataba, maikli ang buhok at
napakakapal kung mag-lipstick? Yung pinagbubulungan natin
dati at sabay napagalitan tayo ni mommy? Oo bumisita ulit
silang mag-ina rito sa may bahay. Ayon sa pagkakarinig ko,
kinukumbinsi nila si daddy na tumakbo bilang gobernador.
Tutal naman daw ay kilala ang pamilya namin at marami raw
boboto sa kanya kapag nagkataon. Narinig kong humindi si
daddy dahil mas prayoridad niya ang maayos na pamumuhay ng
pamilya namin, at isa pa, may negosyo siyang dapat patakbuhin.
Sabi niya pa...
“Ate, napakarumi ng pulitika sa Pilipinas!”
“Huwag kang magsalita ng ganyan Joaquin. Hindi basta-
basta ang puwede mong kitain sa pamahalaan! Ang kinikita mo
bilang isang abogado at negosyante, hindi lang madodoble o
matitriple, sky is the limit!” Tumayo si auntie Karina at saka ako
itinuro, “Tingnan mo si Diana, malapit na siyang magkolehiyo,
pero dahil sa budget na mayroon kayo, dito sa probinsiya mo
lang siya kayang pag-aralin. Tuwing kailan kayo lumalabas ng
bansa? Nakatikim na ba ng eroplano itong si Diana? Oo at sapat
nga ang kinikita mo sa mga negosyo mo at sa trabaho mo, BUT you can always have more!”
“Ate, huwag mo namang ituro si Diana. She have more
than enough, and even more than what she can ask for,” sabat
ni mommy. Umikot lang ang mga mata ni auntie na para bang
hindi binigyang halaga ang sinabi ni mommy. “Wala siya sa
Manila dahil nasa highschool pa lang siya and there's no need
to, maganda naman dito sa probinsya-”
“And look at this mansion of yours? Ni hindi mo na
pina-upgrade? Kung ano siya 20 years ago, ganoon pa rin siya
hanggang ngayon! Nagluluma na! Ito ba ang buhay na gusto
mong ibigay sa pamilya mo?” pataas na ng pataas ang boses ni
auntie. “Tingnan mo si Johnny, SK Chairman pa lang ng
barangay, nabibili na ang mga gusto niya! Ano na nga ulit ang
mga nabili mo Johnny? Please enumerate for your uncle's sake,”
isinara niya ang pamaypay at saka tinapik ang anak nito.
“Sa mga na kickback ko last time, nakabili na ako ng
mga gadgets, bagong laptop at yung bagong labas na PS3
ngayon,” pagyayabang ng pinsan ko. “At siyempre, itong bagong
labas ng Apple,” anito sabay labas ng kulay pilak niyang
cellphone na may hugis mansanas ang likod.
“Kita mo na Joaquin! Bata pa lang si Johnny, kaya na
niyang buhayin ang sarili niya. Baka nga SK pa lang siya ay
makabili na siya ng sarili niyang bahay! At we will never know,
baka maging presidente siya ng Pilipinas!” anito kasunod ang
nakakainis na tawa nito nang malakas na umalingawngaw sa
buong kabahayan.
“Ate Karina, kung papasok man ako sa pulitika, hindi
iyon dahil gusto kong humuthot ng pera kundi dahil gusto kong
tumulong. Marami akong natutulungan sa trabaho at negosyo
ko, marami na akong nabigyan ng trabaho. Sa totoo lang ay
wala na akong mahihiling pa sa ngayon,” ang sagot ni daddy.
“Pero nai-imagine mo ba na kung nasa pulitika ka, mas
marami kang mabibigyan ng trabaho? Sige, huwag mo nang
isipin ang mga kickback na pinagsasasabi ko. At isa pa, hindi ba
may utang na loob ka sa akin? Hindi ba ako ang nagpatapos
sa’yo sa kolehiyo kaya mo narating ang mga narating mo ngayon?” bumuntong-hininga lang si daddy habang ako naman
ay napailing. Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko.
“Ngayon kailangan ko ang tulong mo. Tumakbo ka bilang
gobernador sa darating na eleksyon.”
“Pero Ate, ano ang kasiguraduhan na maipapanalo ko
ang laban?”
“Mahal ka ng mga tao Joaquin, kilala ka sa bayang ito at
sapat na iyon para maipanalo mo ang laban,” hinawakan ni
auntie Karina si daddy sa may balikat. “Gawin mo 'to para sa
akin, alam kong...” hindi ko na kaya ang mga naririnig ko sa
usapang ito. Tumayo na ako sa kinauupuan at tumungo sa
kuwarto ko na nasa ikatlong palapag. Anuman ang kalalabasan
ng pag-uusap nila ni auntie Karina, susuportahan ko ito dahil
alam kong mabuti ang intensyon ng daddy at mommy.
Hapon na nang umalis si auntie Karina at si Johnny
nang araw na iyon, pero hindi na ako bumaba pa para
magpaalam sa kanila. Tanaw ko na lang sa bintana na
masayang-masaya si auntie na yumayakap kina Daddy at
mommy. Ang hinala ko ay nagtagumpay siya na mapapayag si
daddy.
Mula nang araw na iyon, ay hindi lang sa weekend
nagkakaroon ng salusalo sa bahay, halos araw-araw na. Kung
sinu-sino ang mga nagpupunta na hindi ko kilala ang mga
mukha. Madalas nga ay naghahapunan na lang ako sa kuwarto o
hindi naman kaya sa kusina kasama si yaya Inday. Nag-hire na
rin si daddy ng mga security guards para sa buong pamilya.
Pill, sana ay bumalik ka na rito. Somehow, I don't feel
right. Nag-aalala ako para sa kanila.
##
Hi Diana,
Pasensiya ka na at hindi ako nakakapag-reply sa mga e-
mail mo sa akin. Busy rin kasi ako dahil exam namin noong
nakaraang linggo. Masaya ako at nagustuhan mo ang regalo
kong teddy bear. Nakuha ko ‘yan sa may secondhand shop;
mukha siyang malungkot kaya binili ko na dahil mura lang
naman. Huwag kang mag-alala dahil pinalaba ko iyan sa laundry shop. Ano, amoy bago ‘di ba?
Suportahan mo na lang ang daddy mo sa gusto niyang mangyari. Tutal naman sabi mo, mabuting tao ang daddy mo at
malinis ang intensyon niya. Na-meet ko na si sir Joaquin at
nakita ko naman na malaki ang malasakit niya sa mga tao, pero
sana ay mag-iingat siya dahil hindi biro ang pumasok sa
pulitika. Magulo, napakaraming katiwalian, at pandurugas.
##
“Madam, here's a blanket for you,” sabi ng isang
pilipinang flight stewardess sa eroplanong sinasakyan ko sabay
abot ng isang asul at makapal na kumot. Ewan ko ba kung bakit
hindi ako kumportable sa dami ng taong nakikita ko. Masyado
siguro akong nagtagal sa isang bansa kung saan mas marami
ang tupa kaysa sa tao.
“Thank you,” ikinumot ko ito sa akin. Napasandal ako sa
upuan at napapikit. Ano na kaya ang hitsura ni Pill ngayon? Five
long years, ang tagal ding panahon. Kanina ko pa binabasa ang
salitan namin ng e-mail at umabot na ako sa parte ng buhay ko
na ayaw ko na sanang balikan. Mula nang umalis si Pill
papuntang Maynila, madalas kaming nag-i-e-mail sa isa't isa.
Gamit ko pa noon ang isang lumang personal computer na may
malaking umbok sa likod.
To make a long story short, nanalo ang daddy bilang
gobernador ng bayan namin. At simula nga noon, hindi na
naging normal ang naging pamumuhay namin. Nagbago ang
tahimik at matiwasay naming buhay. Bihira na lang kami kung
magsalusalo sa tanghalian at hapunan. Hindi lang si daddy ang
naging abala kundi pati na rin si mommy, dahil si mommy lang
ang taong pinagkakatiwalaan ni daddy; siya na rin ang naging
personal secretary nito. Hanga nga ako sa pagkakaisa na
mayroon sila. Ang isang bagay na ayaw ko nang panahong iyon ay ang
matinding pagbabantay sa akin ng mga bodyguard; ramdam ko
na laging may mga mata sa bawat pagkilos ko. Ito pa naman
ang panahong nagdadalaga na ako.
Buti na lang at lagi kong nakakasama si yaya Inday. Siya
pa nga ang una kong nasabihan nang una akong datnan ng regla at siya rin ang nagturo sa akin ng kung anu-anong mga
payo pagdating sa mga “crush” sa school at pagkakaibigan. Pero
isang araw habang pauwi na kami galing sa mall, may dalawang
lalaking nakatakip ang mga mukha na nagbalak na kidnapin ako.
Naglaban si yaya Inday at nabaril siya sa braso bago pa
dumating ang mga bantay ko at mga guwardiya ng mall. Ilang
araw akong hindi nakapasok dahil sa trauma ko sa nangyari.
Nangyari iyon noong buwan ng Enero at sobrang nag-alala sina
mommy at daddy. Napagtanto nila na masyado silang naging
abala sa trabaho, kaya naman ay naglagi sila sa bahay nang
isang linggo. Dinagsa ng media ang bahay namin pero hindi
namin sila pinaunlakan ng interview.
Sa awa ng Diyos ay naging okay naman si yaya Inday.
Buti na lang at dumaplis lang ang bala sa braso niya.
Magkaganoon pa man ay nagpahinga na lang muna siya sa
bahay. Hindi na ako pumasok sa eskuwelahan at sahalip ay
ipinagpatuloy ang pag-aaral sa bahay dahil sa takot na rin nila
mommy. Hindi na ako masyadong nakakalabas ng bahay at
mismong mga guro na lang ang sumasadya sa bahay namin
para turuan ako. Dahil sa mga nangyari ay baka papuntahin ako
sa Cebu para ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Mas ligtas daw kasi
doon at isa pa, may kamag-anak din kami doon. Napakalungkot
ko noon dahil nalaman ko na mapapalayo ako kina mommy at
daddy.
“Diana, ‘wag ka nang umiyak,” pag-aalo ni yaya Inday sa
akin. Magaling na siya at kasalukuyang nagpapahinga sa bahay.
“May sorpresa ako sa’yo,” aniya. Pinahid ko ang mga luha ko at
saka nagtanong kung ano. Binuksan niya nang marahan ang
pinto. Makalipas ang ilang taon ay nakita ko na naman siya; mas
tumangkad at kumisig kumpara sa huli naming pagkikita. Hindi
na siya payat dahil ang mga braso at balikat niya ay
natatabunan na ng katamtamang kalamnan o “muscle”. Nakaputi
siyang t-shirt at faded na maong, ngumiti ang kanyang labi at
mga mata at sa unang pagkakataon, makalipas ang ilang buwan
ng pagmumukmok - ay napangiti ako.
“Pill, welcome back.”
##
Nang mga panahon na nakatira si Pill sa aming bahay ay
naramdaman ko na ligtas ako at walang maaaring gumalaw o
makakapanakit sa akin. Hindi ko na alintana na nasa bahay lang
ako maghapon dahil araw-araw ay mayroon kaming bagong
pinagkakaabalahan. Madalas ay uumpisahan namin ang umaga
sa pagtatanim ng mga gulay sa hardin, kasama si kuya Jobert at
yaya Inday. Sa totoo lang ay nag-e-enjoy ako dahil hindi ko pa
nararanasan ang magtanim sa buong buhay ko, tapos ang
kukulit pa ng mga kasama ko, nand’yan ang magtatalo si yaya
Inday at si kuya Jobert. Tila may namumuo na yata sa kanilang
dalawa...
Sa tanghali naman ay maglalagi kami sa may pool at
pagkatapos ng tanghalian ay kukuwentuhan ako ni Pill ng kung
anu-anong istorya tungkol sa mga adventure niya sa Maynila.
Nakakatuwang pakinggan ang tungkol sa kanyang mga bagong
kaibigan, pakikipagtalo niya sa isang professor, at siyempre ang
kanyang love life. Walang katapusan ang kanyang mga kuwento
na para bang nagbabasa ka ng napakahabang nobela. Isang
araw, kinuwento niya ang pagbisita niya sa National Museum sa
Maynila.
“So, nakita mo na pala ang Spoliarium?” tanong ko,
sabay kagat ng blueberry cheesecake na ginawa ni ate Maria.
Nasa garden kami no’n at katatapos lang magbabad sa
swimming pool.
“Oo, ang tagal kong nakatitig sa painting na iyon ni
Juan Luna,” tugon niya. “Sa totoo lang, ilang beses akong
bumalik sa museum para lang pagmasdan ang painting. Isang
beses nga, dahil mahaba-haba ang breaktime ko ay nagpunta
ako sa museum, isang Lunes ng tanghali. Sobrang traffic at
naisip ko na bumalik na lang sa school pero napagpasyahan
kong ituloy na lang ang lakad dahil tutal malapit na naman ako,
pero pagdating ko sa entrance ng museum, naku, sarado pala
tuwing Lunes. Kung sinusuwerte ka nga naman, ayun, hindi na
ako nakadalo sa klase ko, hindi ko pa nakita ang pinakamamahal
kong Spoliarium,” aniya sabay lagok ng mainit na Cocoa na nanggaling pa ng Bulacan. “Anyway, pagkatapos no’n, hindi na
ako bumalik at tuluyan ko na lang siyang kinalimutan.”
“Bakit ba hiwagang-hiwaga ka sa painting na ‘yon?”
tanong ko. “Oo nga pala, salamat sa postcard na may painting
ng Spoliarium ah!”
“Wow, buti naman ay itinago mo pa iyon.”
“Bakit naman hindi? Eh lahat naman ng ipinadala mo sa
akin, kahit yung secondhand na teddy bear ay nasa kuwarto ko,”
ilang sandali siyang tumitig sa asul na kalangitan, at saka muling
nagsalita.
“Alam mo palagay ko, kung hindi dahil sa painting na
iyon ni Juan Luna, ay malamang hindi maisusulat ni Rizal ang
Noli Me Tangere, at malamang hanggang ngayon ay bulag pa
rin tayo sa kung ano ang tama at mali. Malamang ay sakop pa
rin tayo ng mga dayuhan.”
“Nai-imagine ko nga na kung hindi dahil sa Noli Me
Tangere, ay malamang walang Andres Bonifacio na nagtatag ng
Katipunan at hindi nagkaroon ng rebolusyon,” dagdag ko naman
sa sinabi niya.
“Alam mo, natututo ka na sa akin ah,” sambit ni Pill.
Mukhang napahanga ko siya sa sinabi ko, “Natumpak mo
mismo,” itinaas niya ang kanyang tasa at saka muling humigop.
“Ang sarap talaga ng tsokolateng ‘to. Sa Bulacan ko lang ba
talaga 'to makikita? Puwede ba akong mag-uwi sa Maynila?”
“Pill, mas malapit ang Maynila sa Bulacan kaya mas
madali para sa’yo ang bumili doon,” sabi ko. Tunay ngang
masarap ang tsokolate na kanina pa namin iniinom. “Ito rin
yung nilalagay sa champorado, alam mo ba iyon?”
“Puwede rin ba tayong magpaluto kay ate Maria ng
Champorado?”
“Aba, oo naman! Sasabihin ko mamaya.”
“Balik tayo sa pinag-uusapan natin, buti naman at
nagkakaroon ka na ng kaalaman pagdating sa kasaysayan ng
Pilipinas.”
“Hello, mayroon kaya kaming History subject sa school?”
pabara kong sabi sa kanya. Hindi ko na sinabi na “Best in
History” ako sa klase dahil napakalaki ng interes ko rito at bukod pa sa itinuturo sa eskuwelahan, ay nagpapabili pa ako ng
ibang libro kay daddy para basahin. “Pero alam mo, naiisip ko
na hindi pa rin malaya ang Pilipinas kasi wala mang mga
dayuhan ang sumasakop sa atin, mga kapwa Pilipino naman
natin ang gustong makadugas at maka-isa sa kapwa nila.”
“May point ka d’yan, pero tandaan mo rin na walang
mandurugas, kung walang magpapadugas.”
Ilang linggong naglagi si Pill sa probinsiya at
pinakiusapan na rin siya nila mommy at daddy na tumira sa
bahay namin, para naman daw mayroon akong kasama.
“Alam mo Pill, panatag ang loob ko kapag kasama ka ng
unica hija namin. Tingnan mo, lagi na siya ngayong naka-smile,”
puna ni mommy, isang Sadabo habang nagtatanghalian.
Pinagpaliban din ni daddy ang kanyang mga agenda para
makasama sa amin sa hapagkainan nang araw na iyon.
“Pill,” si daddy naman ang nagsalita habang lahat kami
ay napatingin sa kanya. Ilang taon na siyang nasa pulitika at
bakas na sa kanyang mukha ang dami ng kanyang napagdaanan,
ang mga problemang kanyang hinarap. Nadagdagan ang mga
guhit sa kanyang mukha at karamihan na ngayon sa kanyang
buhok ay puti. Naiiyak ako sa tuwing nakikita ko silang dalawa
ni mommy. Gusto kong sabihin na ibalik na lang namin ulit sa
dati ang lahat, na umalis na sana si daddy sa pulitika; gawing
simple na lang muli ang lahat ng bagay.
“Ano po iyon, sir Joaquin?”
“Tawagin mo na akong tito Joaquin Pill. Hindi ka na iba
sa amin. Para ka na naming sariling anak. Dahil sa’yo, para na
ring nagkaroon ng panganay na kapatid si Diana,” napangiti ako
at si mommy habang si Pill naman ay tila mabibilaukan.
“Ginagalang ko po kayo nang lubos sir, p-pero sige po,
tito Joaquin,” tugon niya matapos uminom ng tubig.
“Gusto ko sanang pangalagaan mo itong si Diana kahit
ano’ng mangyari, na para bang tunay mo nang kapatid.” Nakita
ko ang paghawak ng kamay ni mommy kay daddy na para bang
sinasabi na ‘wag na nitong ituloy kung anuman ang sasabihin
niya. Bakas ang pag-aalala sa mukha ni mommy pero hindi ko
mawari kung bakit, “Maipapangako mo ba ‘yon Pill?” “Opo tito, malapit na po ang pamilya ninyo sa akin.
Naging mabuti rin po kayo sa pamilya ko at hindi ko po
malilimutan lahat ng naitulong ninyo sa amin, lalong-lalo na sa
papa ko at pati sa pag-aaral ko. Pinapangako ko po na ako na
ang bahala kay Diana, at kahit ano’ng mangyari ay hindi ko siya
pababayaan,” pahayag ni Pill.
“Dad, why do you talk like that? Hindi ninyo naman ako
kailangang ihabilin kay Pill. I know you and mom will be there
for me, no matter what!”
“Of course hija, of course we will be there for you,
always, no matter what,” tugon ni mommy na may mga ngiting
hindi lamang sa kanyang mga labi, kundi pati na rin sa kanyang
mga mata. Pero nakangiti man ang kanyang mga mata, kitang-
kita ko pa rin ang nangngingilid na mga luha. Pinili kong huwag
na lamang itong pansinin.
##
Biglang nagkaroon ng malakas na turbulence sa
sinasakyan kong eroplano, at napahigpit ang hawak ko sa
magkabilang armrest. Nagpapatay-sindi na ang mga ilaw habang
nagsasalita ang flight stewardess ng:
“Please calm down and remain seated on your seat,
please refrain from standing up until the turbulence is over.”
Napapikit ako at nagdasal nang taimtim...
“Alam ko po na dati ay lagi kong dinadasal na sana
namatay na lang din ako, pero kung ngayon ninyo po tutuparin
ang dati kong dasal at kung oras ko na Lord ay tatanggapin ko
po. Binigyan ninyo po ako ng panibagong buhay, kahit dati ay
gusto ko na ring mamatay kasama sila...”
“M-miss? Are you alright?” sa unang pagkakataon ay
napatingin ako sa lalaking katabi ko sa eroplano. Nakasuot siya
ng rektanggulong salamin, kulay kape ang mga mata, matangos
ang ilong at mapupula ang mga labi. Para siyang artista mula sa
isang hollywood love story movie. Great, makikilala ko pa yata
ang prince charming ko kung kailan mamamatay na ako. Diana,
mag-focus ka nga!
“Ayos lang ako. May dumi ba ako sa mukha?” Patuloy
pa ring umaalog ang eroplanong sinasakyan namin, pero tila
nakalimutan ko ang lahat ng iyon nang makita ko siya. “I mean, may problema ba?”
“Miss, you were just praying out loud and already
accepting that you will be dead in a moment,” tugon niya na
para bang napakaestupida ko. Arogante ang tono ng pananalita
niya, therefore I conclude na arogante na ang buong pagkatao
niya. Buhay nga naman, nagdadrama ka at nagbabalik tanaw sa
nakaraan, pero heto at babatukan ka niya pabalik sa reyalidad.
“Sorry ah, naiistorbo ba kita?” masungit kong tugon.
“Huwag mo na lang akong pakialaman dito, puwede?”
“Okay fine, pero puwede ba kung magdadasal ka na
sana mamatay ka na, ay ‘wag mo namang idamay ang ibang tao
rito. Unang-una sa lahat, hindi lang ikaw ang nakasakay sa
eroplanong ito, lahat kami rito ay may pamilyang uuwian. Ang
dapat mong dasalin ay sana maging maayos na ang lahat at
makauwi tayong lahat nang ligtas.” Natameme ako sa sinabi
niyang iyon. “The world does not revolve around you, ‘wag mo
lang isipin ang sarili mo at ang mga kadramahan mo sa buhay.”
“Napaka-insensitive mo naman!” sagot ko. “Iba-iba ang
pinagdaanan natin sa buhay at hindi mo alam kung ano ang
napagdaanan ko! Wala kang karapatan na pagsalitaan ako na isa
akong makasarili!”
Napatingin ako sa isa pang pasahero na nasa may
bandang kaliwa ko; isang matandang babae na may hawak na
rosaryo at nagdadasal.
“Hail Mary full of grace, the Lord is with you...”
Sa may bandang harapan ko naman ay kitang-kita ko
ang pag-iyak ng isang bata habang yakap-yakap ng kanyang ina.
Napagtanto ko na may punto ang sinasabi ng lalaking katabi ko.
Lahat ng tao rito ay may pamilya, may mga pangarap na gusto
pang tuparin sa buhay, mga taong hindi pa handang mamatay.
Siguro, dahil wala naman na akong pamilya kaya ayos na rin sa
akin ang mawala sa mundong ibabaw. I once had it all, pamilya,
pangarap, lahat ng hilingin ko, pero nawala na ang lahat ng
iyon.
##
Isang araw pagkagising ko, ibinalita sa akin ni yaya
Inday na wala na sina mommy at daddy. Malungkot ang buong
kabahayan habang ako naman ay walang ibang ginawa kundi ang umiyak nang umiyak.
Habang binabagtas daw nila mommy at daddy ang daan patungo sa munisipyo, may armadong kalalakihan ang
pinagbababaril ang sinasakyan nila. Patay ang apat na sakay ng
van, si manong Thomas na nagmamaneho ng araw na iyon,
isang bodyguard, at sina mommy at daddy. Maglalabing-walong
taong gulang pa lang ako noon, buwan ng Abril at kagagaling
ko lang sa Cebu para sa unang taon ko sa kolehiyo. Ilang beses
kong tinanong kay auntie Karina na agad sumugod sa bahay,
kung bakit, paano nangyari iyon pero wala siyang maisagot sa
akin. Tulad ko ay masamang-masama ang loob niya at ang tangi
niya lang nagawa ay yakapin ako. Isa lang ang dahilang nakikita
ko kung bakit pinapatay sila at iyon ay ang anggulong pulitika.
“This is all your fault!” sigaw ko sa kanya habang
nagpupumiglas sa kanyang yakap. “Kung hindi mo pinilit si
daddy na pumasok sa pulitika, malamang ay buhay pa siya
hanggang ngayon! Umalis ka na sa bahay na 'to utang na loob!
Get out of here!”
Dumating din si Pill nang gabing iyon, matapos niyang
mapanood sa balita ang nangyari ay nag-book agad siya ng
ticket. Pero hindi na ako makausap ng kahit na sino; kahit pa ni
Pill. Hindi ko matanggap ang mga nangyari.
##
Tumigil din sa wakas ang turbulence ng eroplano, at
muli ay naging matiwasay ang paglipad nito. “The turbulence is now over, you may now unfasten
your seatbelt,” ang sabi ng flight stewardess. Napahugot ako
nang malalim na buntong-hininga. Hindi ko pa nga talaga oras,
ang sabi ko sa sarili.
“See, it's not your time yet,” nakangiting sabi ng lalaking
nakasalamin. Naging malumanay na ang tono ng pananalita niya.
“Pasensiya ka na sa pagiging magaspang ko sa’yo kanina.”
“Wala 'yon,” tugon ko. “Baka may misyon pa ako sa
mundong ito kaya ayaw pa akong kunin ni Lord.”
##
Nagpalitan kami ng number ni Michael, ang pangalan
ng lalaking nakatabi ko sa eroplano. Isa pala siyang psychiatrist.
Buti na lang at hindi siya nag-offer na gamutin ako. Pero nag-
offer naman siya na ihatid ako sa address na ibinigay ni Pill na
siyang tinanggihan ko. Nandito ako ngayon sa Pilipinas at kahit
ano’ng guwapo pa ng lalaking mag-o-offer sa’yo na ihatid ka sa
kung saan ay huwag na huwag kang papayag. Puwedeng siya
ang maging “Happily-ever-after” mo, pero malaki rin ang
posibilidad na siya ang maging “Worst-Nightmare” mo.
Nagsinungaling na lang ako na may susundo sa akin.
Nag-book ako ng sasakyan mula sa airport, may
kamahalan ito pero hindi ko na inalintana dahil at least sa
paraang ito ay sigurong makararating ako sa paroroonan ko.
Sampung minuto akong naghintay habang inihahanda nila ang
sasakyan na gagamitin ko. Limang taon na mula nang huli
akong tumapak sa paliparang ito, pero parang wala naman itong
masyadong ipinagbago. Kailan lang ay nabasa ko na ang NAIA
ay pang-apat sa “worst airport” sa buong mundo. Malamang ay
dahil may binaril dito at sa kabila ng higpit ng seguridad at sa
nagkalat na CCTV, ay hindi namukhaan ang suspek at hanggang
ngayon ay wala pa ring nahuhuli.
Kailan kaya muling magiging dakila ang Pilipinas? Kailan
kaya ito tuluyang makababangon? Darating kaya ang panahon
na wala ng maghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil may
sapat na trabaho at sapat na kita rito? - random kong naisip.
Sa isang banda ng departure area ay nakita kong
nagyakap ang isang magkasintahan. Umiiyak ang babae na may
hawak na maleta habang ang lalake naman ay mahigpit ang
pagkakayakap sa babae na para bang hindi siya papayag na
magkalayo sila. Biglang bumalik sa alaala ko ang pagpapaalam
ko kay Pill. Hiniling ko sa kanya na tulungan akong ilakad ang
passport gamit ang isang bagong pangalan. Tinulungan niya pa
nga akong ibenta ang lahat ng aming ari-arian sa loob ng
dalawang buwan para magkaroon ako ng sapat na pera sa aking
paglalakbay. Namalagi ako sa Maynila nang dalawang linggo
habang inaasikaso ang bago kong passport na may pangalang
“Patricia Williams”, hindi naging mahirap ang proseso dahil lahat naman ng bagay sa Pilipinas ay may presyo.
Nang ihatid ako ni Pill sa airport nang araw na iyon ay pareho kaming walang imik sa taxi. Noong una ay hindi siya
payag sa desisyon kong umalis ng bansa, pero wala na siyang
nagawa. Alam niyang kahit wala ang tulong niya ay makakagawa
ako ng paraan. Dalawang salita lang ang namutawi sa bibig niya
nang ihatid ako sa airport, at iyon ay ang “mag-iingat ka”.
Napatigil ang pagmumuni-muni ko nang lumapit na sa
akin ang airport staff na nakangiting nagsalita,
“Ma'am, your car is now ready.”
Tumayo na ako sa kinauupuan ko. Hindi ko akalain na
darating ang araw na ito. Ang araw na magkikita kaming muli
ni Pilaes S. Yalak.
0 comments