Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Saturday, 16 January 2016

SAKIT NG KAHAPON (Chapter Fifteen: Sapat na ang Minsan)

   Tahimik na lumabas si Ginny mula sa kwarto, ilang oras nang nakakaraan mula nang umalis si Lorenz. Tahimik ang buong bahay, at tanging paglalaro ni Gigi lamang sa sala ang maririnig. "Ginny, may gusto ka bang sabihin sa amin?" tanong ni Lola Malyn na nakaupo kanina pa sa may sofa. Kaharap nito si Nina na siyang umaalalay kay Gigi sa paglalaro. Nanlamig ang buong katawan ni Ginny, tila siyang nanigas sa pagkakatayo. 
     "Narinig namin ni Lola nag pag-uusap niyo ni Lorenz." sabi ni Nina. "Totoo bang siya ang ama ng dinadala mo?"
     "Alam mo apo, hindi ka naman namin hinuhusgahan sa mga desisyon mo, kasi pinili mo naman iyan. Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit sa loob ng ilang buwan ay nagawa mo kaming pagsinungalingan." Hindi na napigilan ni Ginny ang maluha, sunod sunod na patak ng luha ang pinakawalan ng kanyang mga mata. Lumakad siya nang parang bata patungo sa kanyang lola at saka yumakap dito habang humagulhol. 
     "Sorry po Lola, sorry po!" aniya sa kanyang mga hikbi. "Ayoko lang na ma-disappoint kayo sa akin. Isang malaking pagkakamali po ang nagawa ko, nagsinungaling ako sa inyo noon." Humagulhol siya nang tuluyan, samantalang si Malyn naman ay nanatiling isang bato. "Pinili akong hindi panagutan ni Lorenz ngayon. Takot na takot po ako..."
     "Napakasakit ng ginawa mo Ginny, hindi lang ako ang niloko mo, pati ang Mama mo, at ang buong mundo Ginny!" pasigaw at galit na galit na giit ng matanda. 
     "Ayoko lang po na ma-disappoint kayo sa akin, lalong lalo na at malaki ang tiwala niyong makapagtapos ako ng pag-aaral. Hindi ko po malaman ang gagawin ko noon." Napayuko si Nina sa narinig, alam niyang isa siya sa dahilan kung bakit napakalaki ng ekspekstasyon ng lahat kay Ginny, natatakot ang lahat na baka magaya ito sa kanya at sa isa pa nilang kapatid na mabilis nagsipag-asawa matapos makapagtapos ng pag-aaral. 
     "Mahal kita apo, ngunit hindi pa kita mapapatawad sa ngayon. Pagbalik mo sa hacienda nina Jordan ay dapat maipagtapat mo sa kanila ang katotohanan o habambuhay kang magdurusa sa kasinungalingang iyong pinaninindigan." Tumayo si Malyn at nagtungo sa kwarto. Naiwang impit na umiiyak si Ginny habang si Nina naman ay umupo sa kanyang tabi, hinahagod ang kanyang likod. 
     "Tama na ang pag-iyak, makakasama iyan sa baby mo." anito. 

     Nang sumunod na araw ay maagang nagising si Ginny, tutungo kasi siya sa clinic para makapagpa-check up. Sinamahan siya nina Mang Kanor at ni Nina. Ngayon na nila malalaman kung ano ang kasarian ng magiging anak niya. Sa ultrasound room ay doon siya nahiga habang si Nina naman ay hawak ang kanyang kamay. Malaki na nga talaga ang kanyang tiyan at nahihirapan na rin siyang maglakad kung minsan. "Aba, sumisipa si baby mo o!" puna ni Nina na siyang ikinangiti naman ni Ginny. 
     "Excited na atang lumabas." Nakangiting tugon niya. Pinahiran na siya ng malamig na ultrasound gel sa tiyan at saka pinagana ang mismong ultrasound sa tiyan niya. Halos maluha siya nang makita niya ang hitsura ni baby. Nakita niya ang buong katawan nito, napakaliit at tila natutulog. 
     Itinuro ni Doktora Sanchez ang lugar ng ari ng sanggol. "Congratulations, it's a boy Ginny!"
     "Wow, lalake ang anak ko!" Walang mapaglagyan ang saya ni Ginny. Napayakap naman sa kanya si Nina. 
     "Ang gwapo naman ni baby, mag-isip na tayo kung ano ang ipapangalan natin sa kanya!" masayang sabi ni Nina. "Sa wakas at may kalaro nang lalake si Gigi!"
     "He looks healthy and normal. Nasaan pala ang ama ng bata? Bakit sa pagkakataong ito ay hindi mo siya kasama?"
     "Lumipat na po kasi kami sa probinsya Doc, nagkataon lang na binisita ko dito sina Lola kaya naisip kong magpa-appointment na rin."
     "That's very good. Kailangan ituloy mo lang ang pag-inom ng mga supplements na iniresta ko sa'yo at walang magiging problema si baby. I'm sure the father is very excited to have the first child to be a boy. Lalake rin ang panganay ko kaya I can totally relate. Sa bahay parang dalawang anak na lalake ang meron ako dahil nakikisabay din ang asawa ko." Hindi na muling umimik si Ginny, napaisip siya kung ano kaya ang magiging kinabukasan ng kanyang anak, ng kanyang magiging pamilya. Hindi siya sigurado kung tatagal sila ni Jordan. 

     Kumain ang mag-ate sa isang restawran malapit sa may clinic pagkatapos. Kanina pa napapansin ni Nina na balisa ang bunsong kapatid. "Naguguluhan ako ate, natutunan ko nang mahalin si Jordan pero pakiramdam ko ay wala pa ring kasiguraduhan ang kinabukasan ko sa kanya. Pakiramdam ko any time from now, may karapatan siyang umalis sa buhay ko. Baka kung gaano siya kabilis dumating ay ganoon din siya kabilis na aalis"
     "Kay Lorenz ba ay wala ka nang nararamdaman talaga? Hindi mo mailalayo sa kanya ang bata, bilang ama kasi ay meron pa rin siyang karapatan sa dinadala mo."
     "Sa pag-uusap namin kahapon, sabi niya ay kaya na raw niya akong panindigan. Kaya lalo akong naguguluhan..."
     "Isipin mo kung ano ang mas makakabuti sa'yo at sa magiging anak mo. Tandaan mo na ang lalakeng pipiliin mo ay ang lalakeng makakasama mo habambuhay." paalala ng kanyang ate. "Minsan, hindi sapat na mahal mo ang isang tao, isang bata ang palalakihin niyo Ginny. Hindi siya laruan na basta basta puwedeng iwanan. Kailangan niya ng taong mapagkakatiwalaan, isang lalakeng tatayo bilang ama niya kahit anong mangyari."

     Nang sumunod na araw ay nagpaalam na si Ginny sa kanyang pamilya, maaga pa lang ay babalik na siyang muli sa Hacienda. Hindi pa rin siya masyadong iniimik ng kanyang Lola, at sabi ng kanyang ate ay hayaan na muna itong makapag-isip isip dahil hindi pa nito tanggap ang mga nangyari. "Hayaan mo na lang muna, sigurado akong darating ang panahon na mapapatawad ka rin niya." 
     "Basta ate, ikaw na muna ang bahala kay Lola ha? Huwag mo siyang pababayaan."
     "Oo, ako ang bahala. Ikaw ang mag-ingat, okay?"
     Ilang sandali pa ay lumarga na sila ni Mang Kanor. Nagaalala na rin siya kay Jordan dahil kagabi pa hindi sumasagot sa mga text niya ang nobyo. "Ano na kaya ang nangyari sa lalakeng iyon? Ni hindi man lang sumasagot sa mga text at tawag ko."
     "Baka naman po abala lang sa trabaho." tugon ni Mang Kanor. 
     "Baka nga po." Naisip buksan ni Ginny ang kanyang account sa Facebook, hindi naman niya karaniwan itong ginagawa pero baka nag-update si Jordan. Blogger si Jordan noon kaya alam niya na madalas ito kung mag-update ng mga ginagawa nito sa social media. Napasimangot siya nang makita ang mga naka "tag" na larawan sa profile nito. Ang unang larawan ay may isang babaeng balingkinitan ang katawan na nakasuot ng itim at hapit na damit ang nakaakbay kay Jordan. Mahaba ang buhok nito at makapal ang pulang lipstick na gamit. Sigurado siyang hindi pa niya ito nakikilala o pinakilala man lang ni Jordan. Lumakas ang kabog ng puso niya at kumuyom ang dalawang palad matapos ibaba ang cellphone. Kaya pala hindi naka-reply ang loko kagabi, may kasama siyang iba. May kasama siyang maganda at sexy na babae, mukhang single pa pati. 
     Unti unting nanlumo si Ginny sa kanyang kinauupuan. Bumalik na naman sa kanyang pag-iisip na kahit na anong oras ay puwede siyang iwan ni Jordan. Naalala niya bigla ang mga katagang sinabi ng kanyang ate kahapon. 
     "Bakit hindi mo bigyan ng pagkakataon si Lorenz? Minahal mo naman siya dati, hindi ba?"
     Iyon ang mga katagang namutawi sa bibig ng kanyang ate, kung saan ang tanging tugon niya lamang ay, 
     "Ate, hindi naman ako bola na puwedeng ipagpasa-pasahan. Kung hindi man kami magwork-out ni Jordan, ay sisiguraduhin ko na hindi ako mapupunta kay Lorenz."
     "Pride lang ang nasa isip mo Ginny." Oo, pride at ego na ang kailangang paganahin ni Ginny pag nagkataon. Marami namang single mothers na pinapalaki mag-isa ang kanilang mga anak. Kung nakaya nila ay makakaya ko rin. 

     Ilang oras pa ang itinagal ng biyahe kung saan siya nagkaroon ng maraming reyalisasyon. Anuman ang mangyari sa kinabukasan ay wala na siyang kontrol dito, anuman ang mangyari ay kailangan niyang tanggapin ng buong puso. Dumating si Jordan sa buhay niya nang walang pasabi. Dumating ito para gamutin ang kanyang nagdurugong puso. Dapat nga ay masaya na siya dahil pinaranas nito sa kanya kahit sandali lang, ang isang pag-ibig na totoo. Kung sakali mang mawawala ito sa kanyang buhay, ay wala na rin siyang karapatan pang magreklamo.

     Nang nakarating na sila sa hacienda ay hinanap agad ni Ginny ang nobyo. "Nakita niyo po ba si Jordan?" tanong ni Ginny sa mayordomang si Martha. 
     "Naku, abala po siya sa warehouse, ma'am Ginny. Harvest na naman kasi kaya abalang abala ang mga manggagawa ng buong hacienda. Hayaan mo at papatawagan ko kay Agatha. Tumungo ka muna sa kwarto at magpahinga."
     Iyon nga ang ginawa ni Ginny, nagshower na muna siya at saka humiga sa malambot na kama. Habang himas himas ang kanyang tiyan ay nadatnan siya ni Jordan na nakahiga. "Hi!" bati nito sa kanya. 
     "Hello." walang emosyon niyang tugon. Bigla na naman niyang naalala ang nakita niyang larawan kaninang umaga. Hinagkan siya ni Jordan sa labi at saka nagsimulang magtanggal ng damit. Napansin ni Ginny ang pawisan nitong pangangatawan, tila ba buong araw na nakabilad sa araw. Napagdesisyunan niyang umupo. 
     "O, huwag ka nang umupo, humiga ka na lang. I'm sure napagod ka sa biyahe mo kanina. Stay put ka lang sweet heart, magsho-shower lang ako." Habang nasa banyo si Jordan ay inisip ni Ginny kung kokomprontahin niya ba ang lalake sa nakita sa Facebook nito. Hindi na sana siya mag-aabala pa pero hindi niya mapigilan ang sarili. Tumayo siya at tumungo sa may pintuan ng banyo. Doon ay tahimik niyang pinanood ang pagsho-shower ni Jordan. 
     "May party ka palang dinaluhan kagabi?" 
     "Ha?" Pinatay ni Jordan ang tubig at saka nagsimulang magsabon. 
     "Sabi ko, may party pala kagabi, hindi mo man lang ako nagawang i-text man lang."
     "Ah oo, last minute invitation ng katabing hacienda." tugon ni Jordan. "Birthday kasi ni Bernadette." 
     "Siya ba yung nag-tag ng picture sa'yo sa Facebook?"
     "Yeah."
     "Yeah, nakita ko siyang nakaakbay sa'yo."
     "Magkababata kasi kami nu'n, talagang close kam dati." aniya. "Ang tagal naming hindi nagkita, mula nang umalis ako sa poder nila Lola ay hindi ko na rin sila kinita."
     "Ah ganoon ba?" 
     "You're jealous, aren't you?"
     "Ano naman ngayon kung nagseselos ako?"
     "You don't have to be jealous, sweet heart. She will remain as a friend, just a friend, okay?" Tumango lang si Ginny. "Alam mo, kung hindi ka lang buntis ay baka hinila na kita dito sa loob ng shower. Magbabanlaw lang ako, wait for me there." Mabilis na nagbanlaw si Jordan at saka nagpunas ng katawan. Agad nitong pinuntahan si Ginny na nakaupo nang muli sa may kama. 

     "Now, tell me again what you wanted to say?"
     "Pakiramdam ko pinaglalaruan mo ang damdamin ko sa sinabi mong iyan. Ano naman ngayon kung nagseselos ako? May karapatan naman siguro ako 'di ba? Kung tumawag ka lang kagabi para magsabi sa akin na may party ay maiintindihan ko naman, pero hindi ka man lang nagparamdam!" naiiyak na sabi ni Ginny. 
     "Ngayon ko lang nalaman na cute ka pala kapag nagseselos ka." Hinagkan ni Jordan ang mga kamay ni Ginny. "But, pls. know that I'm really sorry baby. Huwag ka naman mag-isip ng kung anu-ano. Nasa warehouse ako kahapon nang sinabihan ako ni Martha na nabalitaan daw ni Bernadette na nandito na ulit ako. Pinagbigyan ko na kaya naman galing sa warehouse ay dumiretso na ako sa party. Siguro naman napansin mo sa picture na haggard na ako di ba?" 
     "So, ang rason mo ay nakalimutan mo lang akong replayan, ganoon ba?"
     "Yes." Napabuntong hininga si Ginny. Dahil sinabi ni Jordan sa kanya ang totoo ay kailangang ipagtapat niya rin dito ang tungkol kay Lorenz. Hindi makatarungan kay Jordan kung itatago niya ito at malaman pa sa iba.
     "May gusto sana akong ikuwento sa iyo kahapon." simula ni Ginny.
     "Ano 'yon?"
     "Nung isang araw ay bumisita si Lorenz sa bahay namin. Hindi ko alam kung paano niya natunton kung saan ako nakatira-" Tuluyan nang nag-iba ang mukha ni Jordan. 
     "Ano naman ang mga sinabi niya sa'yo? Akala ko ba may pamilya na siya?"
     "Ang sabi niya ay hindi raw totoo na may pamilya siya, na nirason niya lang sa akin 'yon dati dahil hindi pa siya handa dati-"
     "Eh gago naman pala siya! Kung akala niya makukuha ka niya sa akin, sorry Ginny, but that's not going to happen!"
     "Shhh, hindi mo kailangang sumigaw, okay?"
     "I hope you told him about me, and that you love me."
     "Oo, sinabi ko sa kanya na may mahal na akong iba, at hindi ko na siya kailangan pa sa buhay ko." Napapikit si Jordan at nagsimulang hagkan si Ginny. Basa pa ang buhok nito kahit pa nagpunas na ito ng katawan kanina sa banyo. 
     "I hope you're not thinking about going back to him Ginny." Napailing lang si Ginny. "God! The pain of losing you, I don't think I can bear it. Palalakihin ko nang maayos ang baby natin Ginny, kikilalanin niya akong ama."
     "Alam ko, Jordan. By the way, the baby is a he." nakangiting sabi ni Ginny. 
     "Wow, talaga? Mag-isip na tayo ng ipapangalan sa kanya! Puwedeng Jordan II?"
     "Baliw ka talaga!" Nakatawa nang muli ang dalawa. 
     "Next time, hindi ka na uuwi mag-isa. Kapag bibisitahin mo sina Lola Malyn ay sasamahan na kita. I promise that."
     "You don't need to promise me a lot of things Jordan." aniya. "Hindi na ako naniniwala ngayon sa mga pangako."
     "Bakit? Dahil promises are made to be broken? Well, if that's so, hindi na ako mangangako."
     "Tama, just do it." 
     "Jordan Dela Fuente II." ulit muli ni Jordan, at muli, sila ay napahagikhik.      

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn