Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Saturday, 26 December 2015

TATAK LAPIS SA KALYE

Paano nga ba nag-umpisa ang lahat? Paanong sa loob ng anim na taon ay nagpapatuloy pa rin ang Lapis sa Kalye? Ano ba ang pinaglalabanan nito? Paano ko ba mailalarawan ang samahang tatak Lapis sa Kalye?

Pare-pareho lang siguro ang mga layunin namin sa pagsusulat, at iyon ay ang maipahayag kung ano nga ba ang nasa aming saloobin, kung ano tumatakbo sa aming mga makukulit na kukute. Naranasan mo na siguro ‘yon kung isa kang “frustrated writer”. Alam mo ‘yong mga panahong hindi pa uso ang wattpad? Hindi pa masyadong uso ang e-book? Medyo bata bata pa kami, kaka-graduate lang, matataas ang pangarap, walang limitasyon ang aming imahinasyon, naniniwala pa kami sa ideyalismo - o yung pananaw na puwede naming mabago ang bansa sa pamamagitan ng aming mga sulatin.

Hanggang ngayon, aaminin ko, iyan at iyan pa rin ang aming hangarin. Nasaksihan ng aming henerasyon ang pag-impeach kay Erap, ang pandaraya ni Gloria sa halalan, ang pagtakbo ng FPJ at muntikan nang pagkapanalo nito, ang pagtakbo ni Ninoy dahil sa pagudyok ng nakararami nang mamatay ang kanyang ina na si Cory, at ngayon naman ang kaguluhang nangyayari sa pagitan ni Duterte at Roxas. Gusto kong maniwala na may pag-asa pa ang Pilipinas, pero ang bilis nating madala sa mga mabulaklak na salita, ng mga kuwentong pang telenobela. Nabubulag tayo sa mga maling rason, pumipili tayo nang nakapikit ang mga mata. Ang bibilis nating nagpatawad nang binoto pa ulit natin si Gloria kahit pa inamin na niyang nandaya siya. Pero bakit ganoon? Bakit ganito ang nangyayari sa Pilipinas? Totoo kaya na aabutin pa tayo ng ilang dekada bago tayo magbago para sa ikabubuti ng bansa? Sabi nila edukasyon daw ang sagot, pero patuloy pa rin ang pagmahal ng matrikula. Sabi nila mag-abroad ka na lang, iwanan mo na ang Pilipinas, magsikap na lang tayo sa ibang bansa, tutal wala namang mangyayari. At siguro kung maglilitanya ako dito, aabot ang sulating ito sa pagiging nobela.

Balik tayo sa hangarin. Hangarin pa rin ng Lapis sa Kalye magpasahanggang ngayon ang sa pamamagitan ng aming mga talento sa pagsusulat o pagguhit, maaaring umunlad ang bansa. Papaano? Libre na ngayon ang Facebook kung saan libo libong impormasyon ang maaari mong mabasa  sa isang araw. Pero sa libo libong impormasyon na ‘yon, alin dito ang may kabuluhan at makakatulong sa iyo? Alin dito ang tutulong mapaunlad ang bansa?

Siguro mas kailangan natin ng mga sulating pupukaw sa ating damdamin, sa ating pagkamakabayan, sa ating pagmamahal sa ating kapwa. Hindi ito madali, oo dahil tayo ay hindi pa buo. Kung may isang bagay na kailangan ang mga Pilipino, iyon ay ang pagkakaisa.

Nabasa niyo na ba ang Affordable Foodstand na siyang sinulat ni Dudong Daga? Kung hindi pa, basahin niyo para malaman niyo kung paano nagsimula ang pahinang ito. Nagsimula ang grupong ito sa dalawang tao, hanggang sa lumago nang lumago. Sa paglipas ng panahon, may mga umalis, nagkapamilya at nawala na ng tuluyan sa mundo ng pagsusulat. Meron namang nag-quit na nang tuluyan dahil sa mga hindi magagandang pangyayari. Dumating ang panahon na tumahimik muli ang pahina, wala nang nagsulat, naabandona. Dumating ang panahon na wala nang nagbabasa.

Himalang nabuhay muli ang pahina gawa ng isang pa-contest na sinalihan ng maraming manunulat. Nabuhayan kaming muli ng loob at nagkaroon ng motibasyon. Halos araw-araw na kami kung mag-usap, hindi lamang ng mga masasaya kung hindi pati na rin ang mga dagok na dumadating sa aming buhay. Wala kaming sawang makinig sa mga walang katapusan na hinaing ng bawat isa. At kung kami ay magkita kita, siguradong may shot na kasama. Sa pangalawang pagkakataon ay nangangako kaming wala nang bibitaw sa pagbuo ng aming mga pangarap. Nagkita kita kami sa unang pagkakataon noong nilalakad pa namin ang librong Pendulum.

Noong araw din na iyon ay makikipagkita pa sana kami sa mga manunulat ng ibang pahina, pero ang nangyari ay nadarag lang kami ng isang agresibong manunulat - hindi ko na babanggitin ang pangalan, tawagin na lang natin siyang Jeje, isa na siyang mabuting kaibigan ngayon (Peace tayo kung nagbabasa ka man!). Nagkaroon kasi ng pagtatalo sa Facebook at galit na galit si Jeje dahil sa sinabi ni Matalabong Kwago tungkol sa kanilang pahina. May pagkakamali si Kwago nu’n pero sa tapat ng rebulto ni Rizal sa Luneta kami pinagmumura. Nag-walk-out na lang kami dahil wala namang maidudulot na maganda kung haharapin lang namin sila. Sa bandang huli, isang tao lang mula sa grupong iyon ang sumama sa amin - at siya si Positivo Uno na matagal na palang nagbabasa sa aming pahina.

Naging magkaibigan kami ni Positivo Uno at sa ngayon ay miyembro na rin siya ng LSK. Sa ngayon, kapag naaalala namin ang nangyari sa tapat ng rebulto ni Rizal ay natatawa na lang kami. Alas dose na ata nung nagdesisyon na kaming umuwi sa aming mga bahay dahil sobrang haba ng aming kuwentuhan. Mga kalapis, alam niyo ba na sa Luneta Park namin unang nai-record ang aming video blog? Mukha lang kaming mga tanga sa video dahil umaga pa lang ay dugo’t pawis na ang aming pinupuhunan sa libro. Pero ayun at tawa pa rin kami ng tawa.

Heto pang isa. Noong pumunta ako ng Cebu ay kinita ko si Silent Sakura, isang matagal nang tagasubaybay ng pahina. Kinita ko siya dahil bibili siya ng Pendulum. Masaya niyang inabot sa akin ang isang libro at notebook na naglalaman ng isang sulat para sa mga manunulat ng Lapis sa Kalye. Sobrang na-touch ako sa ginawa niyang iyon. At mula nga noon ay madalas na siyang nagpapasa ng sulatin sa pahina. Hindi nagtagal ay naging opisyal na manunulat na rin siya ng Lapis sa Kalye at isa sa mga patnugot ng magasin na binabasa mo ngayon.

Dalawa lang ‘yan sa aming mga naging karanasan, sana dumating ang panahon na makapagsulat ako ng libro kung saan mas maibabahagi ko pa sa inyo ang aming pakikipagsapalaran sa mundo ng pagsulat.

Hindi ganoon kadali ang pagpapatakbo ng isang pahina na katulad nito. Pakiramdam namin ay meron kaming part time job dahil hindi lang mga trabahong nagpapakain sa amin ang aming ginagawa. Pakiramdam namin ay meron kaming responsibilidad sa aming kapwa na makapagbahagi pa ng mga dekalidad na sulating kapupulutan ng inspirasyon at aral, yung mga tipo ng aral na makakapagpaunlad sa ating bansa.

Sa pagtatapos ng taong 2015, nais po namin kayo ay muling pasalamatan sa patuloy na pagsuporta sa aming pahina. Masaya kaming ibahagi sa inyo na nailuwal na namin ang pangalawa na naming libro - “Titser, May I Go Out?” at papunta na ito sa Pandayan Bookstore. Sana ay makarating na rin ito sa iba pang bookstore… (ehem, hello National Bookstore, sana mabasa niyo po ito).

Basa lang nang basa, sulat lang nang sulat. Pagmamahal at yakap, mga kalapis!  


PS: Ang artikulong ito ay unang lumabas sa Lapis sa Kalye Online Magazine no. 13. Para mabasa ang mag na ito ay magtungo lamang sa link na ito: https://issuu.com/lapissakalye ; Comment lang sa baba kung gusto niyo ng pdf copy. Salamat!


0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn