TAGOS (A Short Story)

23:37

Heto na naman ako, nalulunod sa sakit, naghihintay na tumalab ang dalawang tabletas ng paracetamol na tig limang daang gramo. Nakatulala sa may kawalan, hindi malaman kung ano ang gagawin maibsan lang ang sakit na aking nararamdaman. Maputla ang mga labi't, nanglalamig ang parehong palad, nagpupumilit, nagdadasal na sana matapos na. Tila ako nalulunod sa sakit na nararamdaman, tuluyan nang nilamon ng pait ng mga gamot.
Naghintay pa ako ng ilang sandali, nagbilang na rin ng kung ilan na ba ang langaw na pumapasok sa silid na paulit-ulit na umuugong sa aking tainga. Sa bandang huli, ay wala pa rin. Para na akong mamamatay sa kirot na nadarama ng aking puson. Kung puwede lang magmura ay malamang nakatikim na ng sandamakmak na suntok ang puson kong ito. Hanggang ngayon ay di ko pa rin mawari kung bakit nakakayanan ng isang babae ang pagdaanan ang lahat ng ito? Buwan buwan kang magkakasakit tapos kailangan mo pang gumastos ng para sa napkin, o yung tinatawag nilang tampon na isasaksak mo sa iyong puwerta habang nakabukaka. Pagkatapos ay iinom ka ng gamot kung hindi ka takot na magkaproblema ang iyong bato, kakain ka ng chocolate, ng ice cream, ng kahit na anong makita mo sa iyong harapan. Tutubuan ka pa ng maraming taghiyawat kahit ba mamahalin ang mga nilalagay mo sa iyong mukha. Nandiyan pati ang pagsakit ng likod, ng balikat... at minsan pati ng puso. Oo, hindi lang puson, kung di pati na rin ng puso.
Marco. Iyan ang pangalan niya. Siya yung IT guy sa opisinang aking pinapasukan, matangos ang ilong, mapulang mga labi, maputi at makinis ang kutis, laging naka-gel paitaas ang buhok, kupas na maong, sneakers, G-shock na relo. Halos kabisado ko ang kanyang pagmumukha, ang kanyang hitsura, postura at maging anino. Kabisado ko, kahit pa isang beses pa lang kami nagkatinginan doon pa sa may elevator. Sa elevator kung saan meron akong dalang walis tambo at siya naman ay may dalang attache case. Nakatali ang mahaba kong buhok, parehong luma ang suot kong t-shirt at pantalon. Wala akong koloreteng nilagay sa mukha nang araw na iyon. Muntikan pa kaming magkahawak ng kamay dahil sabay sana naming pipindutin ang elevator.
At sa iglap na iyon, kami ay nagkatinginan na tila ba bumagal ang ikot ng aking mundo. Nais kong pigilan ang oras dahil hindi ako makahinga, tila sasabog ang dibdib ko sa lakas ng tibok ng aking puso. Eto ang unang beses na ako ay nakaramdam ng... love at first sight ba 'yon? Bigla kong hiniling sa langit na sana ako ay magkapakpak para puwede kitang dalhin sa aking kaharian. O kung di naman kaya ay baka pwedeng ako ay iyong saluhin dahil heto ako ngayon, nahuhulog na sa iyo Marco. Marco Dela Fuente. Pangalan ng isang prinsipe. Ako ang iyong prinsesa at ikaw naman ang aking prinsipe... Teka! Mas type ko ang kabalyero. Oo, tama. Puwede bang maging kabalyero ka na lang at ako ay iyong sagipin mula sa masamang panaginip ng reyalidad?
Dahil alam kong sa totoong buhay ay hindi puwede maging tayo. Hindi puwede! There will never be an us!
"Puwede na, Romel." sabat ng aking fairy godmother na hindi ko na namalayang nakaupo na pala sa gilid ng aking kama, naputol tuloy ang pagde-day dream ko.
"Ano pong sabi niyo?"
"Sabi ko, puwede nang maging kayo ni Marco. Sumasakit ang puson mo di ba? Iyan ay dahil ginawa na kitang dalaga." Bigla akong napabalikwas. Kinapa ang aking dibdib at napansing hindi na ito kasing lambot ng face towel na nilalagay ko tuwing umaga, meron na itong laman na tila ba sapat na para magpasuso ng isang sanggol. Tiningnan ko si fairy godmother na naluluha sa galak. "Alam kong matagal mo na itong kahilingan at kagabi habang natutulog ka ay ginawa na kitang babae. Ginamit ko na lahat ng natitira kong kapangyarihan para tuluyan ka nang maging babae. Babae ka na Romel. Ikaw na ngayon si Romella!"
"Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa'yo fairy godmother! Hindi ako makapaniwala!" Dali dali akong tumayo at naghubad ng shorts ko. Pagtingin ko ng bandang ibaba, ay siya nga! Wala na ang lawit kong matagal ko nang itinatago. Kaya naman pala masakit ang puson ko. Kaya pala... Akala ko umaarte lang ako kanina! OMG. Halos maglupasay ako sa tuwa habang isinasayaw si fairy godmother. Kaya pala tunay na masakit ang aking puson dahil totoo ngang isa na akong babae. Grabe!
"Romella, sandali lang, meron akong sasabihin sa iyo hija." sabi ni fairy godmother na dilat na dilat pa ang mga mata.
"Ano po 'yon?" kunot noo kong tanong.

"May tagos ka..."


You Might Also Like

0 comments

Like us on Facebook

Follow me on Instagram

Subscribe