Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Sunday, 20 December 2015

SAKIT NG KAHAPON (Chapter Five: Paradise Resort)

    Nagkuyom ang mga kamao ni Jordan nang marinig niya ang kuwento ni Ginny, hindi niya mapagtanto kung bakit may mga lalakeng hindi na makuntento sa isa. Dahil ba sa nagkalat ang mga teleserye sa Pilipinas na puro tungkol sa pagtataksil? Napailing na lamang siya sa kahabag habag na babaeng nasa tabi niya na mula pa nang magsimula ito magkuwento ay di na rin tumigil sa pagluha. "Pero baka mas lalo pang makasama ngayong umalis ka sa bahay niyo di ba?"
     "Wala akong choice dahil magulo na ang isipan ko. Hindi ko na ang alam sa kung ano ang tamang gagawin." humihikbing tugon ni Ginny. "Nagaalala lang ako sa lola ko dahil matanda na siya." Huminto na sa wakas ang bus, mukhang nasa Quezon na sila. "Nandito na ba?" Tumingin ang dalawa sa bintana.
     "Nandito na tayo Ginny." sagot ni Jordan. Isininga ni Ginny ang namumuong sipon sa kanyang ilong at muli ay uminom ng tubig. Nagsisimula nang magsibabaan ang mga pasahero ng bus. Kinuha ng dalawa ang kanilang mga gamit at bumaba. Nilanghap ni Ginny ang sariwang hangin sa probinsya, hindi siya makapaniwala na nakarating siya ng ibang lugar, buong buhay ata niya ay inilagi niya lamang sa Cavite. Bigla siyang nakaramdam ng pagod at... takot. Saan nga ba siya susunod na pupunta? Wala siyang kakilala dito sa Quezon. 
     Hinawakan ni Jordan ang kanang kamay niya at saka siya hinila. "S-saan tayo pupunta?"
     "Akong bahala sa'yo. Sasama ka sa akin habang nandito tayo sa Quezon." 
     "Anong ibig mong sabihin? Baka mamaya pagsamantalahan mo ang pagiging mahina ko-"
     "Ginny sa kaguwapuhan kong ito, hindi kita pagsasamantalahan okey? Kaya halika na, maghanap muna tayo ng makakainan." 

     Nag-unat at naghikab si Jordan matapos nilang kumain ng Chami. Busog na busog silang dalawa dahil naka dalawang order sila nito. "Ang sarrappp! Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong klaseng pansit." Masaya si Jordan dahil epektibo ang ginagawa niyang pagpapasaya kay Ginny. Sa loob ng tatlumpong minuto ay tumigil na rin ito sa kakaiyak. Kinuha niya ang camera sa bag at nagsimula itong kunan ng litrato si Ginny. "Hey, anong ginagawa mo?"
     "Ang cute mo kasi, namamaga ang mga mata, namumulang ilong tapos finally, nakangiti. Ngayon lang ata kita nakitang nakangiti mula nang una kitang makita."
     "Hindi purkit nilibre mo ako ng dalawang order ng Chami ay libre ka na ring asarin ako Jordan." tugon ni Ginny na sa ilang sandali ay tila nakalimutan ang problemang dala dala. "Saan na tayo niyan?" Tiningnan ni Jordan ang kanyang orasan, alas dose na. 
     "Ibaba muna natin ang mga dalahin natin doon sa kakilala ko, then we can go for church hopping? What do you think?"
     "Go ahead and lead me." nakangiting sagot ni Ginny. Sumakay sila ng tricycle papunta sa kontak ni Jordan. Dinala sila nito sa isang malawak na resort, ang Paradise Resort. "Jordan, wala akong pambayad dito." mahinang bulong ni Ginny nang papasok na sila sa loob.
     "Ngayon pa ba kita pababayaan Ginny?"
     "'Wag mong sabihing mag-stay tayo sa isang kwarto?"
     "Well, sa totoo lang wala akong budget para sa ikalawang kwarto. Pero magre-request ako ng dalawang kama sa loob ng kwarto. Okey ba 'yon? 'Wag kang magalala, mabait akong tao. If ever man na gapangin kita sa gabi, tumili ka lang." anito sabay kindat. Napailing na lang si Ginny. Ano na naman ba itong pinapasok niya? 
     Elegante ang puting gusali ng resort, pinalilibutan ito ng magaganda at mabulaklaking hardin. Sa isang banda ay natanaw ni Ginny ang isang mahaba at malinis na swimming pool. Sa kaliwang bahagi naman ng resort ay natatanaw ang tila makapangyarihang Mount Banahaw. "Ang ganda ano?" usal niya kay Jordan na nasa kanyang likuran. 
     "Oo nga eh. Sayang off limits pa daw hanggang next year ang pag-akyat sa bundok na iyan." 
     "Ma'am, sir handa na po ang kwarto niyo." Iniabot ng nakangiting general manager ang isang pares ng susi sa dalawa. "Room 205 po, you may choose to take the stairs or the lift." Pinili ng dalawa na gamitin ang elevator dahil sa mga dala dala nilang bagahe. 
     "'Wag kang masyadong magpagod dahil baka makasama sa'yo." pagpapaalala ni Jordan.
     "Jordan, buntis lang ako. Hindi naman ako disable."
     "We will never know, baka mamaya mababa pala ang matres mo." Tiningnan lang ng masama ni Ginny si Jordan. "Ako na rin ang magdadala niyang mga gamit mo. Mula ngayon ay wala ka nang dadalhing mabibigat." Pagdating nila sa kwarto ay binuksan ito ni Ginny gamit ang susi. 
     "Hindi pa ata uso dito ang electronic key." Pagkabukas ni Ginny ng pinto ay bumungad sa kanya ang isang maaliwalas na kwarto. Dalawang malaking kama na nakaharap sa isang flat screen TV na nakasabit sa dingding. Bukod sa shower ay meron ding tub ang banyo. Sa tabi ng bintana ay mayroong isang malaking tila abstract painting ng pinamamayanihan ng asul na pangkulay. Tumungo si Ginny sa malaking bintana at binuksan ang kurtina at ang sliding door patungo sa terasa. Mula sa pangalawang palapag ay tanaw nila ang bundok Banahaw. Tanaw din ang paradahan ng sasakyan at ang swimming pool. Pero ang pinakagusto niyang tanawin ay ang hardin sa ibaba. "Gosh, I can stay here forever." aniya kay Jordan.
     "Diyan ka lang, just stay in that mood. Kukunan kita." 

     Unang pinuntahan ng dalawa ang Kamay ni Hesus na isa sa mga sikat na peregrinasyon sa Pilipinas. Maraming pumupunta sa lugar na ito sa paniniwalang mapapagaling sila sa kanilang mga karamdaman o mapagbibigyan ang kanilang mga hiling. Kahit pahapon na ay marami pa ring mga taong nagsisidatingan. Nagsimula nang maglakad ang dalawa, una nilang inakyat ang may 300 na hagdanan. Dahan dahan nila iyon inakyat at kada sampung hakbang ata ay tinatanong ni Jordan si Ginny kung kaya pa nito ang umakyat. "Okey lang ako Jordan, kung gusto mo mauna ka na." Naiinis na rin si Ginny sa sarili dahil kada beinteng hakbang ay hingal aso na siya agad agad. 
     Pagdating nila sa ika-100 hakbang ay lumuhod si Jordan at saka itinuro ang kanyang likod na siyang pinagtaka ni Ginny dahilan para kumunot ang kanyang noo. "Sakay na, bago pa magbago ang isip ko."
     "Jordan mabigat ako kaya kung pupuwede ay 'wag mong pangarapin na mabuhat ako. Imposible 'yang iniisip mo." 
     "Ginny, sabay tayong makakarating sa tuktok. Ilang oras na lang ang meron tayo kaya please get in my back." Wala na ring choice si Ginny kung di ang sundin si Jordan sa gusto nito. Inalalayan ni Jordan si Ginny sa pamamagitan ng paghawak nito sa dalawang hita niya pabalot sa baywang nito. "Stay put, okey? Akong bahala sa'yo."
     Dalawang daang hakbang pa ang binuno ni Jordan, maya't maya silang humihinto para magpahinga at uminom ng tubig. Pinagtitinginan na rin sila ng mga taong kasabay nila sa pag-akyat. "Ang suwerte naman ng asawa mo, binubuhat mo pa." puna ng isang matandang ale.
     "Buntis po kasi ang misis ko." akala mo ay seryosong tugon ni Jordan na siyang sinakyan na lamang ni Ginny. 
     "Aba ganoon ba? Masuwerte ka pa rin Ineng." anito at saka naglakad na palayo. 
     "Ano ka ba naman, ba't sinabi mo yun? Di ka ba natatakot magsinungaling dito sa pook dasalan?" 
     "Okey lang, nage-enjoy ako sa role ko dito." tugon ni Jordan sabay pilyong ngumiti.

     Sa wakas ay nakarating na rin sila sa tuktok kung saan naroroon ang isang higanteng Hesu Kristo. Maganda ang tanawin mula sa tuktok ng burol. Hapong hapo at pawis na pawis naman si Jordan, kaya tinulungan niya itong magpunas ng pawis. "Ayan ang baho ko na tuloy." birong pangaasar na naman ni Jordan na ikinatawa na lang ni Ginny. 
     "Tara na, magdasal na tayo." Yumuko ang dalawa at pumikit. Sa mga sandaling iyon, pinagdasal ni Ginny na sana nasa ibang sitwasyon siya sa mga oras na iyon, puwedeng kasama niya pa rin si Jordan pero sa ibang klaseng serkumstansta. Pinagdasal naman ni Jordan ang mabilis na paghilom ng sugat sa puso ni Ginny. Hindi relihiyosong tao si Jordan pero kakailanganin niya ng milagro para sa kanyang kaibigan. Napakagandang kaibigan. 

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn