Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Tuesday, 29 December 2015

SAKIT NG KAHAPON (Chapter Eleven: Dapithapon)

    Hindi komportable si Ginny sa ideyang pag-iwan niya kay Lola Malyn para sumama kay Jordan sa Nueva Ecija, pero isang araw dumating ang ate Nina dala dala ang tatlong taong gulang na anak nito na si Gigi. Magang maga ang mga mata nito sa kakaiyak, para bang ilang gabi na ito hindi nakakatulog. Kahabag-habag ang hitsura nito. Limang taon ang agwat nila, at si Nina ang panggitna sa magkakapatid, na matapos makapagtapos ng kursong HRM ay nag desisyong mag-asawa. Hindi na nito nagamit ang napag-aralan, dahil nakipag-live in na ito agad sa nobyo. Matagal na nitong nobyo si Edward, kaya naman hindi na sila nasurpresa sa mga desisyon nito, pero nanatiling dismayadao ang kanilang Ina. Matapos ang pagka-dismaya nito sa panganay na anak na Maria, na siyang nakatapos ng kursong Education, heto naman at sumunod ang pangalawa. 
     "Ate Nina, anong nangyari sa'yo? Bakit bigla kang nabisita? At bakit may dala kang malaking bag?" tanong ni Ginny na agad inalalayan ang kanyang ate. Si Malyn na nagluluto ng tanghalian nang araw na iyon ay tumungo rin sa sala nang marinig ang pagdating ni Nina. Inabutan nito agad ng isang basong tubig ang mag-ina. 
     "Nakipaghiwalay na ako kay Edward." umiiyak na nagsumbong ito. "Hindi ko na kaya, nahuli ko siyang nambababae!" 
     "'Yan na nga ba ang sinasabi ko sa lalakeng 'yon eh! Hindi ba mag-kasintahan pa lang kayo ay nahuhuli mo na siyang may iba? Hindi ka pa natuto noon!" galit na sermon ni Lola Malyn. 
     "Lola, hindi na po importante ang noon." saway ni Ginny. "Ate Nina, hindi niyo na ba talaga maaayos?"
     "Ilang beses niya na itong inulit, kaya tama na, nagdesisyon na akong itigil na. Bata pa naman ako, kaya ko pa ulit bumangon at magtrabaho sa sarili kong mga paa. Bubuhayin ko si Gigi mag-isa."
     "Anong sabi ni kuya Edward? Alam niya bang nandito ka?" Umiling ito. 
     "Nag-iwan lang ako ng sulat, pero buo na ang desisyon ko. Hindi na ako babalik pa roon." Pinunasan nito ang mga luha at saka itinali ang buhok. "Bukas na bukas din ay maghahanap na ako ng trabaho. 'Wag kang magalala Lola, tutulungan ko na kayo. Humihingi ako ng tawad, dapat dati pa lang ay pinakinggan ko na ang mga payo niyo, sana at hindi na umabot sa ganito."
     "Huwag mo na nga isipin 'yon apo. Tama si Ginny, nakaraan na iyon." Lumapit ang matanda at saka niyakap ang dalawang apo. "Ganoon naman talaga ang buhay, kailangang madapa bago matuto at kung sa unang pagdapa mo, hindi ka pa rin natutuo, ay paulit-ulit kang madadapa. Ang importante ay ang pagpili mong bumangon."
     "Salamat po Lola, at Ginny." 
     "O siya, nagluto ako ng Afritada, halina kayo sa kusina. I-celebrate natin na nandito ka na ulit sa bahay. Oras na para bumangon at magbagong buhay."

     Alas nuwebe pa lang nang umaga ay tumungo na si Jordan kina Ginny, lulan ng isang magarang kotse na siyang pinadala ng hacienda, para sunduin sila papuntang Nueva Ecija.  Pero nagulat ito nang makitang hindi pa bihis si Ginny. "O, di mo ba nakita ang text ko?"
     "Hindi kasi ako kampanteng iwan si Lola." tugon ni Ginny. "Ikaw na lang kaya ang pumunta ng Nueva Ecija? Ayoko namang maging pabigat sa'yo roon." 
     "Pero Ginny, hindi ako papayag, napagkasunduan na natin 'to di ba? Bakit hindi na lang natin isama si Lola Malyn doon?"
     "Jordan, hindi naman na kailangan. Tsaka nandoon ka para mag-training dahil ikaw na ang mangangasiwa ng negosyo niyo. Mas kailangan ako dito ni Lola, dumating pa ang ate ko at kailangan nila ang tulong ko. Medyo malabo.."
     "Ginny, meron ka atang nakakalimutan? Nakalimutan mo na ba na ako ang ama ng magiging anak mo? Hindi lang tayo basta 'mag kasintahan' lang. Ano na lang ang iisipin ng ibang tao kung pahihintulutan kong maging long distance tayo? Tatlong buwan na ang tiyan mo..." paalala ni Jordan at tiningnan lang siya ng masama ni Ginny. Hindi nila napansin ang pagdating ni Lola Malyn sa kanilang likuran. 
     "Apo, 'wag mong sabihing ngayon ka pa aatras? Nakaimpake ka na kagabi pa lang di ba? Tsaka 'wag mo kong alalahanin dahil nandito naman ang ate Nina mo." 
     "Pero Lola, ayoko namang i-asa sa inyo si Gigi. Habang naghahanap ng trabaho si ate, gusto ko sanang ako ang magbantay sa kanya."
     "Hay naku Ginny, ano ba tingin mo sa Lola mo? Mas gusto kong meron akong ginagawa kaysa naman sa nakatunganga lang ako. Eksperto ako pagdating sa mga bata kaya sana hindi mo pagdudahan ang kakayahan ko."
     "Lola, hindi naman po sa ganoon-"
     "Ano pa ang hinihintay mong bata ka? Lumarga ka na."

     Limang oras lang dapat ang biyahe mula Cavite papuntang Nueva Ecija pero dahil sa matinding trapik sa Maynila ay papalubog na ang araw nang sila ay makarating sa Hacienda Dela Fuente. Walang hanggang berdeng palayan ang kanilang dinaanan bago sila makarating sa isang malaking tarangkahan. Mula sa trangkahan ay napakagandang hardin ang makikita, tila ba bumabagay sa magkahalong kahel at indigo na kulay ng langit. Nanlaki ang mga mata ni Ginny nang makita niya kung gaano kagara at kalaki ang isang puting villa na nasa dulo. Meron itong tatlong palapag at tanaw ang isang malawak na balkonahe, tila ba isang maliit na bersyon ng palayso ng Malacanang. Napatingin siya sa kanyang katabi na kanina pa pala nakatulog. Hindi niya inakalang sa ganitong klaseng kapaligiran lumaki ang isang tulad ni Jordan. Pero dahil sa laki at lawak ng lugar, hindi na rin siya na-surpresa kung bakit mas pipiliin nito na tumayo sa sariling mga paa. Sa ganito kalaking lugar, hindi madaling patunayan ang iyong sarili, at malamang mahirap ding gawin kung ano ang mas ikasisiya mo. Naisip ni Ginny na mas mabuti siguro kung tanungin niya mismo si Jordan kapag nagkaroon ng pagkakataon. 
     "Nandito na po tayo sir, ma'am." sabi ng drayber na nangangalang George. Tinapik ni Ginny si Jordan na siyang ikanagising nito. 
     "Nandito na pala tayo." nakasimangot nitong tugon. Pagkalabas pa lamang nila ng sasakyan ay sinalubong na sila ni Martha, ang mayordoma ng hacienda. 
     "Welcome back sir Jordan!" bati nito. "Tingnan niyo nga naman, matapos ang limang taon ay nagbalik na rin kayo dito sa wakas! Kumusta na po kayo?" Tatlong dekada nang naninilbihan si Martha sa pamilya Del Fuente, ngayong siya ay nasa sesanta anyos na ngunit aktibo pa rin sa mga gawain sa loob ng hacienda. Bagong tina ang kanyang buhok, kung kaya naman tila nabawasan ang kanyang tunay na edad ng sampung taon.
     "Okay naman ako Martha, limang taon pero parang walang nagbago sa hitsura mo ah! Kumusta ka na? Fiancé ko nga pala, si Ginny." 
     "Hi Ma'am Ginny! Kumusta po kayo? Welcome po sa Hacienda Dela Fuente!"
     "Ginny na lang po, hindi na po necessary ang ma'am." anito. 
     "Ah sige Ginny, iha. Congratulations nga pala sa magiging anak niyo ni sir Jordan! Sa wakas magkakaroon na naman ng bata dito." anito na tila ikinasama ng pakiramdam ni Ginny. "Halina kayo, siguradong pagod kayo sa biyahe. Hinanda at inayos namin ang dati niyong kuwarto sir, pero pinalitan namin ng mas malaking kama. Magpahinga muna kayo tapos dumiretso na kayo sa dining." anito. Nang sila ay makapasok sa loob ay napansin agad ni Ginny ang engrandeng disenyo ng buong kabahayan, bigla tuloy siyang nahiya dahil sa suot niya. Pakiramdam niya ay hindi siya nababagay sa isang lugar na katulad nito.

     "Jordan," simula ni Ginny nang nasiguradong sila na lamang dalawa ang nasa loob ng kwarto. "Hindi mo naman sinabi sa akin na ganito ka-engrande ang hacienda niyo. Sa tingin ko ay hindi ako bagay dito, parang hindi ko na kayang magsinungaling."
     "Ginny, hindi ka puwedeng mag-back out ngayon, it's too late. Nandito na tayo. At isa pa ikaw ang magiging kahati ko sa lahat ng ito, kaya mas makakabuti kung magtulungan na lang tayo."
     "Pasensya ka na, hindi ko talaga 'to matatanggap. Ayokong habambuhay makonsensya dahil unang una, wala ka namang dapat panagutan sa akin."
     "Puwede bang huwag mo nang banggitin ang tungkol sa magiging baby natin. Hindi na importante kung saan siya nanggaling o kung ano man ang katotohanan. Itatak mo sa isipan mo na ako, at ako lang ang ama niya. Wala nang iba."
     "Pakiramdam ko kasi hindi ko naman deserve ang lahat ng ito-"
     "Bakit ba napakahilig mong mag-self pity Ginny? You worry too much about things that do not matter at all. Oo, hindi madaling tumira sa bahay na ito, at siguro kapag nagtagal ka pa dito, malalaman mo rin ang tunay na dahilan kung bakit mas pinili kong maging independent. Pero matatanda na sina grandma at grandpa. Maybe if we both choose to stay, sa tulong mo, baka magkalapit na kami ng loob, baka maayos na kung ano man ang meron sa nakaraan. If we choose to stay, maaayos natin ang lahat sa mga buhay natin." Napalunok si Ginny, hindi siya nakaimik. "Let's do this together, let's be a team." dagdag ni Jordan. 

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn