Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Tuesday, 29 December 2015

ISANG GABI, NAKAUSAP KO SI JOSE

16:12 Posted by Cindy Wong Dela Cruz , , , No comments
Binabagtas ko noon ang mahabang kalye ng Molino, maingat akong naglalakad habang nakatingin sa paligid. Malalim na ang gabi, at delikado para sa isang babaeng katulad ko ang maglakad magisa, kahit pa maraming jeep ang dumadaan. Alas diyes y media na ng gabi, at sarado na ang mga pangunahing establisyemento. Dahil tatlong piso na lang ang laman ng pitaka ko, wala akong magagawa kung hindi ay ang maglakad pauwi, hindi na rin naman kalayuan ang lalakarin. Ang tanging dasal ko lang ay makarating ako ng buhay, sa dami ng masasamang balitang napapanood ko araw araw sa telebisyon, ay nenerbyosin ka talagang maglakad mag-isa sa ganitong oras.
Wala ng masyadong tao sa kalsada, siguro dahil lunes bukas, araw ng pagpasok sa eskwela at sa trabaho.
Nanlamig ang mga kamay ko nang makasalubong ako ng isang malaking mama na nakalabas na ang pusod sa laki ng kanyang tiyan. Hawak hawak niya ang isang bote ng alak at kahit pa iilang metro ang layo niya sa akin, ay amoy na amoy ko ang chiko. "Diyos ko po Lord, huwag naman po sana..." pagdadasal ko. Nagbilang ako ng sampu habang papalapit siya sa akin, sa awa ng Diyos, ang tanging nasabi niya lang sa akin ay ang mga katagang, "Miss, g-gabing gabi nnnnaaa, mag-iingat ka sa dddaannn."
"Sige po kuya."
Malayo na siya pero hindi pa rin nawawala ang takot ko. "Joan, mag hulos dili ka nga!" malakas na bulong ko sa sarili.
Limang minuto na lang at sa tingin ko ay makakarating na ako sa bahay namin. Nadaanan ko na rin ang isang waiting shed na sa umaga ay punong puno ng mga estudyanteng naghihintay ng jeep, pero sa pagkakataong ito, isang lalakeng nakasuot ng itim ang nakaupo. Mahaba ang manggas ng kanyang damit, abot hanggang pulso, sa pambaba ay nakasuot siya ng pantalon. Ano kaya ang ginagawa ng lalakeng iyon sa waiting shed? Naghihintay ng forever? Alam kong hindi iyon ang oras para maging interesado sa mga bagay bagay. Pero sadyang matigas ang aking ulo, lumingon ako sa kinaroroonan niya. Maliwanag ang waiting shed dahil sa fluorescent na ilaw na napaka-tanglaw. Napalunok ako sa aking nakita, kamukha niya si Dr. Jose Rizal. Hindi kaya naka-costume lang ang lalake? Ano ba itong naglalaro sa isip ko? Nasobrahan ata ako sa pagbabasa ng Noli Me Tangere kaninang tanghali. Hindi ko na sana papansinin, pero nakita kong kumaway siya.
Kung nakakita ka ng isang lalakeng kamukha ng iyong idolo pagkatapos ay kumaway pa, ano ang iyong gagawin?
Kumaway din ako nang nakangiti at tumingin sa kaliwa't kanan bago ako tumawid sa kinaroroonan niya. Ang sabi ko pa nga sa sarili ko, kung sakaling masamang loob ito, ay wala siyang mapapala sa akin dahil unang una, wala akong cellphone at pangalawa, tatlong piso na lang ang laman ng aking bulsa.
Nang ako ay nakalapit, kinusot ko ang aking mata at saka nagbiro. "Kamukhang kamukha niyo po si Dr. Jose Rizal ah! Meron po ba kayong show ngayon?" Umiling siya.
"Ako talaga ito Nene." Napagpasyahan kong sakyan ang trip ni Manong Jose.
"Kinagagalak ko po kayong makilala, ako po si Joan." iniabot ko ang aking kamay at nakipag-kamay. "Meron po ba kayong hinihintay?"
"Wala naman akong hinihintay." tugon niya. "Halika, maupo ka muna." Sa kabila ng agam agam ko ay pinili kong umupo sa harap niya.
"Alam mo bang buong tanghali kong binasa ang nobela mo? Kaya iniisip ko, kung totoo ka ba o galing ka lang sa imahinasyon ko." sabi ko sabay kusot ng mga mata.
"Hindi naman na importante iyon, pero kung papipiliin, mas gugustuhin ko siguro kung manggagaling ako sa imahinasyon mo." Nasamid ako bigla sa sarili kong laway sa aking narinig. "Buong araw akong naglakad sa siyudad na ito. Tunay ngang napaka-laki na ng pinagbago ng Pilipinas kumpara sa mga panahong iniwan ko ito."
"Mahigit isang daang taong na rin kasi ang nakakaraan, Dr. Rizal." sabi ko. "Napaka-laki na ng pinagbago ng mundo, nakakita ka na ba ng cellphone? Halos lahat ng tao meron ng ganoon, kung kaya naman sa tingin ko nawawalan na ng tunay na komunikasyon. Halimbawa, sa isang hapagkainan, kailangang kunan daw muna ng litrato ang pagkain, bilang "remembrance" ng kinain nila ng araw na iyon. Dahil sa pagkuha ng litrato, naku, nakalimutan ng magdasal!"
"Cellphone? Telepono ba ang ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Ay, opo! Telepono pero maliit na lang siya, mga kasing-laki ng kamao mo. Kung kaya naman kahit saan ay puwedeng puwede mo siyang madala."
"Parang nakakita nga ako ng ganoon kanina sa aking paglalakad, meron ka bang ganoon?" Napakamot ako ng aking ulo.
"Pasensya na po, sinangla ko na noong isang linggo, lumang model na rin iyon kaya kahit pa dala dala ko siya ngayon ay hindi siya magandang halimbawa." Bigla kong naalala ang isang proyekto sa aming eskwelahan dati kung saan nilista namin ang mga katanungan namin kung makikita namin si Dr. Jose Rizal sa kasalukyang panahon. Mabilis kong inisip kung ano nga ba ang mga katanungang nilista ko, dahil heto na ang pagkakataon ko. Bahala na kung galing man siya sa imahinasyon ko o kung totoong nanggaling siya sa nakalipas. "Marami po sana akong itatanong kaso iniisip ko pa po yung listahan ko."
"Kung meron kang itatanong, ay huwag kang mag-atubili Joan. Tungkol ba ito sa nakaraang panahon? Sa aking palagay, mas makakabuti kung ang mas bibigyan ng pansin ng mga Pilipino ngayon ay ang kasalukuyan. Ang nakaraan ay maaari ng ibaon, alalahanin paminsan-minsan, pero hindi mo ito puwedeng gamitin sa kasalukuyang panahon. Ikinalulungkot kong sabihin ngunit marami na tayong naging pagkakamali sa nakaraan."
"May punto po kayo diyan. Pero sa paglalakad - lakad niyo kanina, ano po ang palagay niyo sa inyong mga nakita?"
"Sa totoo lang ay nalulungkot akong makita na hindi pa rin pala ganap na malaya ang Pilipinas. Katulad ng dati, may ilan mang nagpupumiglas, mas marami namang tao ang piniling magpapasakop na lamang, mga taong kinalimutan ang sariling kultura. Nakakalungkot din malaman na hanggang sa ngayon ay korupsyon pa rin ang problema ng ating bansa. Mukhang mas naghirap pa ang Pilipinas sa sarili nitong mga mamamayan kaysa sa mga dayuhan." aniya. "Hindi ito ang demokrasyang aming pinapangarap."
Napayuko na lamang ako. Hindi alam kung ano ang sasabihin.
"Kakayanin ng Pilipinas na maging dakila muli, ngunit kailangan nating lahat ng pagkakaisa. Sa aking panahon, merong mga taong mas nanaisin pa na makalamang sa kanilang kapwa, hindi na inalintana ang pinsalang maidudulot sa bayan. Makalipas ang isang daang taon, hindi ko inakalang mas dadami pa pala ang katulad nila. Mga taong mapanira ng kapwa, mga taong hindi bale ng masaktan ang lipunan, para lamang sa pang-sariling kapakanan."
"Ano po ba ang dapat naming gawin? Nagkaroon na ng People Power 1,2,3 para lang ipaglaban ang aming mga karapatang pantao-"
"Hindi lang ang mga tao na may posisyon ang may problema Joan. Pati na rin ang mga mamamayan. Ang kailangan ng ating bansa ay mga mamamayang may paninindigan sa tamang gawain, na kahit anong mangyari isipin natin kung tama nga ba ang ating gagawin at kung mayroon itong magandang maidudulot. Kung maaari din sana, kung sino ang mas nakakalamang, ay piliing tumulong sa iba. Huwag kayong magdamot sa mga mahihirap at ang mga mahihirap naman ay kinakailangang magsikap upang makaahon sa kahirapan. Hindi rin naman puwedeng lagi silang sinusubuan." Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam ang aking sasabihin.
"Huwag kang mag-alala, hindi lang puro negatibong bagay ang mga nakita ko sa aking paglalakad. Sa panahong ito, nakita ko ang pag-asa na hindi naman malayo ang lahat ng aking pangarap sa bayan. Napadaan ako sa isang klinika kanina, at alam mo ba ang aking nakita? Libreng pagpapagamot sa mga mahihirap. Walang pangalan ng politiko ang karatula!" pagyayabang niyang sabi. "Pinagmamalaki ko pa rin ang Pilipinas sa mga dahilang hindi pa rin nawawala ang pagtulong sa mga nangangailangan, ngunit hiling ko na sana ay mas dumami pa ang mga katulad nila, mga taong hindi humihingi ng kahit na anong kapalit."
"Hindi naman po malayong mangyari ang mga pangarap natin sa bayan Dr. Rizal. Naisip ko kung lahat ng tao ay magsisimula sa isang maliit na hakbang, makakamit natin ang ating mithiin." tugon ko. "Maraming paraan, halimbawa kung gagamitin ang teknolohiya para magpakalat ng mga karunungan o di naman kaya mga impormasyon. O di naman kaya imbestigahan lahat ng mga taong nasa posisyon, yung tipong cleansing ng buong gobyerno, sisimulan sa mababang posisyon hanggang sa itaas. Parang 'yan naman po ang nangyayari ngayon pero Diyos ko, inaabot ng siyam siyam bago may mapatunayan sa korte."
"Nakikita ko na ito ang panahon ng rebolusyon gamit ang kakaibang sandata, ang ating talino, ang ating pribilehiyo, ang ating mga karapatan. Buong puso ko pa ring ipinagmamalaki ang Pilipinas." Tumayo siya at nag-ayos ng kanyang manggas sa may bandan pulso.
"Saan na po kayo pupunta ngayon?" natataranta kong tanong, marami pa akong gustong itanong kay Dr. Rizal, pero dahil nalipasan na ako ng gutom ay wala ng salitang namutawi sa aking bibig. Gusto kong maniwala na hindi siya si Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, pero
"Pagpapatuloy ko ang aking paglalakad. Umuwi ka na Joan dahil panigurado akong hinahanap ka ng iyong mga nagaalalang magulang."
"Babalik ka ba?"
"Hindi ko pa mawari kung kailan pero palagay ko ay magkikita tayong muli." 'Yon lang at siya ay gumayak na, habang ako ay naiwan sa waiting shed, hindi malaman kung ano ang sunod na gagawin. O iisipin.

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn