Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Tuesday, 21 July 2015

Mga Libro



Di ko na maalala kung kailan ko sinimulang mahalin ang pagsusulat, ang masasabi ko lang ay inuna ko munang minahal ang pagbabasa. Isa sa mga naaalala ko sa aking pagkabata ay ang araw na tuwang tuwa ang aking mga guro sa akin dahil napakabilis ko raw magbasa sa edad na lima. Naaalala ko noong ako ay pinatayo at pinabasa sa akin ang limang pangungusap sa may pisara. “Tapos ka na?” Di makapaniwalang usal ng aking guro pagkatapos ko magbasa, tila ba di makapaniwala. Sa sobrang saya ko nang araw na iyon ay naaalala ko pa nga hanggang ngayon ang isa sa mga pangungusap na aking binasa sa berdeng pisara: “The car is red”.

Noong ako ay nasa pre-school, nauso ang pagreregalo ng mga story books sa batang katulad ko. Una kong minahal ang mga tinatawag nilang story books, yung mga may makukulay na larawan tapos may iilang pangungusap sa may baba. Cinderella, Snow White, Hansel and Gretle, Ugly Ducking, Three Little Bears… Medyo nabitin nga lang ako dahil ang konti lang ng pangungusap na babasahin. Wala pang sampung minuto (kasama na ang pagtitig sa mga picture) ay natapos na ako.

Nang ako ay pumasok sa grade school, hindi pa man nagsisimula ang klase sa buwan ng Mayo ay nagsisimula na akong magbasa ng mga istorya sa mga librong patungkol sa asignaturang Filipino at Inggles. Mas mahaba, mas masaya. Minsan kapag may dumadalaw na kaibigan ni Mama ay naglalakas loob akong magtanong kung meron ba silang lumang libro, baka puwedeng mahiram? O kaya naman ‘pag kaarawan ko na, iisa lang ang hinihiling kong iregalo nila, “Puwede po bang libro na lang? Kahit na ano po.” Di ko malilimutan ang galak ng munti kong puso sa tuwing makakahawak ako ng libro. Ilan sa mga kuwentong di ko malilimutan ay ang maikling kuwento na ang pamagat ay “Hindi na ako bampira”, tungkol ito sa isang grade 2 na estudyante na nabungi at hindi ngumiti ng ilang buwan sa takot na asarin siyang bampira.

Dumating ang panahon na naipakilala rin sa akin ang silid aklatan at nagkaroon ako ng library card, halos araw araw akong nasa langit dahil tila ako nagkaroon ng napakaraming posibilidad, napakaraming oportunidad para magbasa at matuto. Pinakapaborito kong basahin sa lahat ay ang mga kuwentong gawa-gawa lamang o yung tinatawag nilang ‘Fiction’. Pakiramdam ko kasi ay nakakapasok ako sa isang mundo at nabubuhay ako sa ibang pagkatao. Nandiyan ang “Sweet Valley High”, “Nancy Drew Files” at “Goosebumps” na sa tuwing natatapos ko ay nagkakaroon ako ng kakaibang satisfaction.

Nahilig din ako sa pagbabasa ng Pinoy Komiks na tig anim na piso lang noon. Sino bang makakalimot kay Eklok - kuwento ng isang makulit na bata? Eh kay Tinay Pinay - isang super hero na naka pig tails na kamukha ni Sailor Moon? Isa pang kuwento ang di ko malilimutan noon ay ang kuwentong may pamagat na “Shiny Long Black Hair” na patungkol sa magkasintahan kung saan inlab na inlab ang lalake sa babae dahil sa napakahaba ang perpektong buhok nito, hanggang sa maupo ang babae sa kanyang hita at nu’n niya nakita ang mga malalaking kuto nito. May kuto pala si girl. Ang mga komiks din ang nagpakilala sa akin sa mundo ng horror, dito ko nalaman ang mga kuwentong engkanto, tikbalang, manananggal at duwende. Naaalala ko ang mga gabing di ako makatulog dahil sa sarili kong imahinasyon. Pero isang araw, nangyari ang di inaasahan, binenta ni Mama ang mga komiks ko sa lalakeng sumisigaw ng “Diyaryo, boteehhhhhh”. Sayang, siguro kung hindi niya iyon binenta ay malamang pina-frame ko na yun ngayon at masasabing “vintage collection”.

Naipakilala rin sa akin ang mga “Romance Pocketbooks” sa mga panahong ako ay nagdadalaga na. Madalas ay uuwian ako ng Tita ko ng sandamakmak na pocket books, yung tig 25 pesos? Sa pagbabasa ko nito ay nagkaroon ng mukha ang “Ideal guy” ko, mayaman, matipuno ang katawan at mga labing kay sarap halikan. Syempre medyo may pagka-bastos, oo dito unang namulat ang pagkatao ko sa kuwentong tutttt. Isang araw nabasa ni Mama ang isa sa mga pocket books at sa sobrang galit niya ay binato niya ako ng libro. “Ano ‘tong nakasulat dito? Naghahalikan sa ilalim ng puno tapos pinagkakakagat sila ng mga langgam? Eto ba ang mga tinuturo sa iyo ng Tita mo? Mula ngayon, di ka na puwedeng magbasa ng mga ganito, mga bastos! Sunugin lahat ng yan!” Di ako umiyak, sa halip ay napabuntong hininga. How sad. Magmula noon ay nagkaroon ako ng mga tinatagong libro sa aking cabinet, na siyang binubuksan ko lamang pag wala o pag natutulog si Mama. At pag nauubusan naman ako ng babasahin ay didiretso ako sa kapitbahay kung saan nagpapa-renta sila ng mga pocket books sa halagang limang piso lamang. Grabe, dito nasusubok ang mga katagang, “Kung gusto ay maraming paraan.”

Di naglaon matapos ma-expose sa iba’t ibang uri ng babasahin ay nagkaroon ng sariling hubog ang aking mga hilig, sa madaling salita, nabuo ang sarili kong “preference”. Alam ko na ang mga babasahin na alam kong magbibigay sa akin ng hinahangad kong emosyon. Naging mapili ako sa libro dahil ayoko na rin ng paulit-ulit na kuwento. Natuto akong mag-categorize sa puwedeng maging paborito at tipong alam kong hindi makakatulong sa aking pagkatao.

Sa isang banda, di ko napansin ang mga kuwentong nabubuo sa aking isipan, mga araw araw na karanasan at nakakasalumuha, mga kuwentong nais lumabas, nais maisulat. Di sila matahimik na kung hindi ko sila masusulat, tila ba ako ay mababaliw. Di pa uso ang computer noon kaya naman lumang notebook at lapis lang sapat na. Maghapon akong nagsusulat hanggang sa maging kalyado ang aking mga daliri. Maririnig ko na lamang ang aking Ina na magsasalita gamit ang bisaya accent, “Cindy baka ma-buang ka diyan, itigil mo na ‘yan!” Masunurin akong bata kaya naman susundin ko ang aking mga magulang, susubukan kong maglaro ng barbie doll o di naman kaya ng playhouse.

Ang sabi ng isang nabasa ko sa mundo ng internet patungkol sa pagdye-dyeta, “You are what you eat.” Ako naman ay merong ibang paniniwala - “You are what you read”. Sa hilig ko sa pagbabasa, hindi ko akalaing nahubog ako ng mga nabasa ko. Nagkaroon ng kakaibang pundasyon ang pagkatao ko, pakiramdam ko higit pa sa isang habambuhay ang naranasan ko. Sa pamamagitan ng mga nabasa ko, ako ay naging super hero, naging isang manlalakbay at higit sa lahat ay naranasan kong umibig ng napakaraming beses - lagpas pa sa sampung daliri na meron ako ang naging kasintahan ko. Dahil sa mga nabasa ko, hindi ko na basta basta pinapaniwalaan ang sinasabi ng ibang tao. “I have read too much to believe what I am told.” Minsan kapag ako ang nagkaroon ng isang suliranin, tatanungin ko ang aking sarili, “What will Ms. Isabel Dalhousie do?” Si Isabel Dalhousie ay isang karakter sa isa sa mga paborito kong series - The Sunday Philosophy Club Series na isinulat ni Alexander McCall Smith. Dahil sa mga nabasa ko, nabuo ang aking pananaw sa mundo.

At bilang ganti sa lahat ng mga manunulat ng mga nabasa kong libro na siyang bumuo sa aking pagkatao, nais ko ring magbigay impluwensya at tumulong sa pundasyon ng isang mambabasa. Pinangarap kong mabuhay ang mambabasa sa isang karakter na binuo ko, nais kong maipasa ang lahat ng natutunan ko. Kaya sabi ko sa sarili ko, magsusulat ako. Isusulat ko ang mga makukulit na bumubulong sa aking tainga. Bumuo ako ng kasunduan sa sarili ko, kinakailangan di ako magsusulat dahil gusto ko lang, kailangan bukod sa mapapatahimik ko ang mga bulong sa akin, kailangan ay magkaroon rin ng “impact” sa mga mambabasa, kinakailangan hindi yung basta basta nila malilimutan, at maaalala nila hanggang sa nabubuhay sila. Tapos iku-kuwento nila sa kanilang mga apo ang aral na nakuha nila sa aking isinulat. Hindi ako matagumpay na tao, lalong hindi ako mayaman, hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral ay masasabi ko pa ring may ilang bagay na di kailanman mananakaw sa akin.

Kung pinapangarap mong maging manunulat, tandaan mo na maaari mong mabago ang isang tao dahil sa sinulat mo. Huwag mong sayangin ang pagkakataon, ang talento, ang kuryente, ang papel, ang pambura, higit sa lahat ang iyong lapis.

0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Adventure Time - Lady Rainicorn