Filipino Author. Traveller. Dreamer.

Hello Bookworms!

Sunday, 31 October 2010

Agosto Chapter Eight

08:09 Posted by Cindy Wong Dela Cruz , , No comments
Kinagabihan, habang hindi makatulog si Jerick sa kanyang kwarto ay patuloy niyang inaalala ang mga sinabi ni Madame Stella. “Andito lang si Johnny…naglalakad lang siya. Nakauwi na si Jerick sa bahay niyo…pero ang gulo…nasa bahay siya pero hindi niyo makita…parang nagtatago lang siya sa isang bahagi ng bahay…parang naghihintay lang siyang mapakawalan niyo siya…” Anong ibig sabihin niya nun?
Nang may kumalabog sa kabilang kwarto. Parang may bumagsak na kung anumang bagay sa kisame. Pinuntahan niya ang kabilang kwarto – kwarto ni Johnny. Kanyang binuksan ang pinto at ang ilaw pero wala naman tao o bagay. Sa halip, isang malakas na hangin ang sumalubong kay Jerick.
May narinig siyang naglalakad sa kanyang likuran. Tumatayo na ang balahibo ni Jerick kaya pagtingin niya sa likod ay wala naman. Saka sumara ang pinto, tumumba si Jerick at nawalan ng malay.

September 4, 2010
3:00 am

          “Jerick, ano bang ginagawa mo dito’t dito ka na natulog? Ano bang nangyari?” tanong ni Mang Julian sa binata habang ibinabangon.
          “Ha? Ah, may kumalabog sa kwarto ni Johnny. Tinignan ko lang.” sagot ni Jerick habang inihahatid siya sa kanyang kwarto.
          “May nakita ka ba?” tanong ni Mang Julian.
          “Wala…bakit ka ba maraming tanong? Matulog na lang ho kayo pwede?” pagalit na sinabi ni Jerick.
Kaya hinayaan nang matulog ni Mang Julian si Jerick. Isinara niya ang pinto ng binata at pumunta sa kanyang silid nang hindi niya napapansing unti-unting bumubukas ang pinto ng kwarto ni Johnny.
Habang natutulog si Jerick, nanaginip siya na kasama niya ang kanyang kakambal. Nagtatanong ni Jerick sa kapatid pero hindi ito sumasagot, bagkus ay isang matamlay at maputlang mukha ang nakakaharap ni Jerick.
          “Johnny, kelan ka ba uuwi? Anong nangyari kay mama? Magsalita ka naman…” tanong ni Jerick pero hinawakan lang siya ni Johnny sa pulso nang mahigpit – mahigpit na mahigpit at nasasaktan si Jerick sa pagkakawak ng kanyang kapatid sa kanyang pulso.
Nagising si Jerick – parang bagong panganak dahil tulala at para siyang sinaniban ng kung sinong demonyo. Binuksan niya ang drawer ng kanyang side cabinet, kumuha ng blade na ginagamit niya para tastasin ang sira ng kanyang damit. At sinubukang laslasin ni Jerick ang kanyang pulso nang siya’y biglang matauhan.
          “Ano bang nangyayari sa’kin? Dapat matulog na ako.” Sabi ni Jerick kaya bumalik siya sa kanyang pagtulog. Pero kahit hindi niya itinuloy, nagkaroon ng hiwa ang kanyang pulso. Lumabas ang dugo mula sa pulso at nagmantsa sa punda ng kanyang unan at sa kanyang hinihigaan.

Paggising niya, nagsisigaw na lang siya sa kanyang nakita.
          “Mang Julian!!! Mang Julian!!! Tulungan mo ako!!!” sigaw ni Jerick.
Nagmadaling pumunta si Mang Julian sa kwarto ni Jerick.
          “Ano bang nangyari’t nagsisisigaw ka?” tanong ni Mang Julian kay Jerick nang makita niyang nagkalat ang dugo sa kama ng binata.
          “Manong, paggising ko na lang, puro dugo ang kama ko. Tapos may sugat ako sa pulso. Pero hindi ko ‘to hiniwa...basta, paggising ko lang, may hiwa na siya...” kwento ni Jerick.

Pumunta siya sa katapat na panaderya at andun ang mag-lolo.
          “Oh, bakit parang dinapuan ka ng sakit? Bakit maputla ka?” tanong ni Delfin kay Jerick at ipinakita ni Jerick ang kanyang pulso kay Delfin.
          “Anong nangyari dyan? Wag mong sabihing magpapakamatay ka?” sabi ni Delfin habang naglalagay ng empanada sa paperbag.
          “Hindi ko magagawa yun. Si...Johnny...lang ang...makakagawa nun...” sabi ni Jerick. Kinuha niya ang paperbag na binigay ni Delfin.
          “Si Johnny? Bakit? May suicidal tendencies ba siya noon?” tanong ng lolo ni Delfin.
          “Meron po...nung hindi siya sinagot ng nililigawan niya...sinubukan niyang magpakamatay noon, pero naagapan naman. Basta, ang daming nangyari kagabi sa bahay.” Kwento ni Jerick. Paguwi niya, may isang lalaking nanghahanap kay Jerick sa gate. Nakapambahay lang ang binata at parang nagmamadali.
          “Yes? Sinong hinahanap mo?” tanong ni Jerick.
          “Ikaw ba si Jerick? May gustong ipabigay si mama na sulat...galing kay Madame Stella.” Sagot ng binata.
          “Salamat. Ano nga palang pangalan mo? Paano mo nalaman ang bahay namin? At bakit hindi ka namin nakita noong bumisita kami sa bahay niyo?” tanong ni Jerick pero ngumiti na lang ang binata.
          “Basil nga pala pangalan ko. Naku, mahabang storya kung bakit hindi ko kayo nakita sa bahay nun. Sige, aalis na ako.” Pero tumalikod si Jerick para basahin ang sulat.
          “Basil, pakisabi sa mama mo, salamat sa su...lat...” sabi ni Jerick nang muli nyang binalikan si Basil ngunit naglaho ito na parang bula. Saan pumunta yun?
Pumasok sa loob si Jerick habang binubuksan ang sobre. Inilabas niya ang dalawang pahina ng sulat at kanyang binasa gamit lang ang kanyang mga mata. Gusto ko lang sabihin sa’yo ang tunay na nangyayari sa iyo. Muling nagbabalik ang kapatid mong si Johnny dahil may misyon pa siya dito. Sa mga panahong ito, bukas ang pintuan ng mga patay at sila’y naglilibot sa mundo ng mga buhay – kasama dun si Johnny. May dahilan kung bakit siya nagbabalik at kung bakit siya namatay. Nagaganap ngayon ang tinatawag na “Ghost Month” ngunit nagpupumilit siyang umalis. Bawal kasi ang mag-byahe nang malayo ngunit lumabag ang kapatid mo, kaya siya’y nadisgrasya’t namatay. Ngunit sa kanyang pagbabalik, mas titindi ang kanyang paghihiganti at sa paghahanap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Bukas, pupunta ako sa bahay mo para kausapin ang kaluluwa ng iyong kapatid. Sumasainyo, Madame Stella.

Napaupo na lang si Jerick sa kanyang nalaman. Paanong namatay ang kanyang kapatid? Anong nangyari kay Mama? Bakit niya ako ginugulo at hindi pinapatahimik? Ano bang gusto niya? Iyon na lang ang naitanong ni Jerick sa kanyang sarili.


0 comments:

Post a Comment

About Me

My photo

I love traveling and being immersed with different cultures. It has cultivated my love for learning and has exposed me to different perspectives. I'm a travel specialist during the day, while writing has always been my first love (considering my love of books, of course). I am an editor of Lapis sa Kalye (Hindi ito ang normal mong nababasa)**a Facebook page which promotes Philippine Literature, one of the writers of the published book - **PENDULUM. I was also the Editor in Chief of our online magazine which published free literary works. I also post my works in Wattpad reaching more than 70k reads.

And when I need a real breather, I take pictures and edit them. I'm still developing my style in this area, I don't usually follow Photography rules, I just try to have fun along the way.

Blog Archive

Adventure Time - Lady Rainicorn